SAN FERNANDO, Romblon – Bigo ang manggagamot na maibalik ang malay ng Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region V na kanyang binigyan ng CPR matapos itong isugod na walang malay sa Rural Health Unit ng San Fernando, Romblon dahil sa pananakit ng dibdib, kahapon ng hapon, Marso 25, 2024.
Ang biktima ay kinilala ng San Fernando Municipal Police Station na si Mrs. Zenaida Angara Campita, 60 taong gulang, may-asawa, Regional Director ng DOLE Region V, at residente ng Calamba, Laguna.
Sa ginawang imbestigasyon ng San Fernando MPS, ayon umano kay Ginoong Carl Villa, dating co-worker ng biktimang si RD Campita, bigla umanong nakaramdam ng pananakit ng dibdib ang biktima habang naliligo sa isang kilalang ilog sa bayan ng San Fernando, Romblon.
Agad umanong pumunta sa tabi ng ilog ang biktima upang magpahinga. At di nagtagal ay dinala ito sa Rural Health Unit ng San Fernando, Romblon para mabigyan ng atensyong medikal.
At habang nasa daan ay nawalan na umano ng malay ang biktima. Pagdating sa RHU San Fernando ay agad itong sinuri at isinailalim sa CPR ng naka duty na doktor, ngunit binawian na umano ng buhay ang ginang na inatake sa puso dakong 4:12 ng hapon.
Ayon sa asawa ng biktima na si Noel Relox Campita, noong gabi ng Marso 24, dumanas umano ng pananakit ng dibdib ang kanyang maybahay kung saan ay uminom ito ng kanyang gamot. (AMM)






Add Comment