ROMBLON, Romblon – Wala nang buhay bago pa dumating sa ospital ang isang lalaking turista na nalunod sa dagat dakong 11:00 ng umaga ng Marso 23, 2024 malapit sa Talipasak Beach Resort, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay kinilala ng Romblon Municipal Police Station na si Jonathan Cervantes Lavilla, 33 taong gulang, walang asawa, virtual assistant, lokal na turista at residente ng Talon I, Las Piñas City.
Base sa imbestigasyon ng Romblon MPS, ang biktima kasama ang isang menor de edad ay nag “snorkeling” sa Robinson’s Cove Resort, at maaring hindi nila namalayan na ang kanilang dalang rubber boat ay inanod palayo sa kanila. Sinubukan umanong languyin at sundan ng biktima ang rubber boat, ngunit nakita na lamang umanong nagkisay-kisay ito hanggang sa lumubog.
Dahil dito, nagsisigaw na humingi ng saklolo ang kasamang menor de edad ng biktima.
Napansin naman umano ng mga naroon sa Talipasak Beach Resort ang paghingi ng tulong ng kasama ng biktima at isang dayuhang diver ang sumaklolo at dinala ang biktima sa dalampasigan ng resort.
Nagkataon na mayroong dalawang doktor sa beach resort sa oras na iyon kung saan ay agad nilang isinagawa ang pagbigay ng first aid at CPR sa biktima subalit nabigo ang mga ito.
Agad na isinugod ang biktima sa Romblon District Hospital para sa agarang lunas ngunit dineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor ng nasabing ospital. (Tony Miñano Macalisang)






Add Comment