MAGDIWANG, Romblon – Nabigla ang mga kaibigan ng biktima ng datnan nilang nakabitin ito na may nakatali na lubid sa leeg sa loob ng pahingahan nilang bunkhouse dakong 10:30 ng gabi ng Marso 10, 2024 sa Sitio Bagumbayan, Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon.
Ang biktima ay si alyas “Joe”, 20 taong gulang, binata, mangingisda at residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na ulat ng Magdiwang Municipal Police Station, dakong 10:00 ng gabi nakita umano ng dalawang kaibigan ng biktima na sina Christopher Robiso at John Rey Fabellon Repel ang biktimang si “Joe” na may bitbit na bag at kahon na puno ng mga personal nitong kagamitan papunta sa aplaya kung saan naroon ang kanilang bunkhouse.
Pagkaraan ng kalahating oras ay pumunta rin umano ang dalawa sa nasabing bunkhouse upang matulog, ngunit nagulat na lamang sila nang makita nila ang nakabitin na katawan ng biktima na may nakataling lubid sa leeg.
Kaagad nilang kinalas ang nakapulupot na lubid sa leeg ng biktima at humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay.
Isinugod naman ng nagresponding tauhan ng Magdiwang MPS ang biktima sa Rural Health Center ngunit idineklara itong “dead on arrival” (DOA) ng sumuring doktor.
Bago ang nasabing insidente, ay nakipag-inuman umano ang biktima sa Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon at noong umuwi ito sa kanilang bahay ay nagkaroon ng matinding pagtatalo ang biktima at ang kanyang ama at dahilan para umalis ito ng bahay at dala-dala ang kanyang mga personal na kagamitan.
Ayon sa mga kaibigan ng biktima, tuwing may problema umano ang biktima sa kanyang pamilya ay nagtatangka itong magpakamatay. (RSun Staff)






Add Comment