ODIONGAN, Romblon – Parehong isinugod sa ospital ang sugatang biktima at ang suspek matapos na mag-engkwentro dakong 9:45 kagabi, Marso 9, 2024 sa Purok Sampaguita, Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Jerry Tadia Rosa, 38 anyos, may-asawa, welder, habang ang itinuturong suspek ay si Roberto Guyo Dillaton, 50 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at kapwa residente ng naturang barangay.
Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, dakong 6:00 ng hapon, ang suspek at ang tatlo nitong kasamahan ay nag-iinuman umano sa bahay ni Leo Forcadas.
At ilang sandali pa ay dumating naman ang biktima na umano’y nasa ilalim ng ispiritu ng alak, at bumili ng sigarilyo sa maybahay ni Forcadas.
Habang nag-iinuman ang grupo ng suspek, ay nakapagsalita umano ng hindi maganda ang biktima na dahilan para magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek.
Pagkatapos ng argumento ay agad na umuwi ang biktima at bumalik na may dala-dalang matalas na armas na umanoy gagamitin na pansaksak sa suspek.
Napansin naman ito ng suspek na tumakbo sa loob ng bahay ni Forcadas at kinandado ang pinto.
Umuwi umano ang biktima dala ang kanyang armas, habang lumabas naman ang suspek na dumaan sa likod ng bahay ni Forcadas.
At noong nasa labas na ng bahay ang suspek ay muling nagkagulo ang dalawa. Inagaw umano ng suspek ang armas ng biktima kung saan ay nasugatan pa ito sa palad.
Nakahagilap ng bote ang suspek at ipinukpok ito sa ulo ng biktima at saka isinaksak ang nabasag na bote sa tiyan ng biktima na tinaman sa kanang bahagi ng bituka.
Parehong dinala sa Romblon Provincial Hospital ang dalawa.
Inaresto naman ang suspek ng nagresponding mga tauhan ng Odiongan MPS.
Hindi na narekober ng kinaukulan ang ginamit na armas sa naturang insidente.
Inihahanda na ng Odiongan MPS ang kasong Frustrated Homicide na isampa sa Tanggapan ng Piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)






Add Comment