Karpentero sinaksak ng booking officer ng Starhose Shipping Lines sa isang lamayan sa San Agustin, Romblon

SAN AGUSTIN, Romblon – Boluntaryong sumuko sa pulisya ang suspek matapos nitong saksakin ang kabarangay dakong 11:15 kagabi, Marso 9, 2024 sa Sitio Can-umiang, Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Freddie Vic Manzano, Larqueza, 45 taong gulang, may-asawa, karpentero habang ang suspek ay si Sonny Mancuyas Sualog, 48 taong gulang, booking officer ng Starhorse Shipping Lines at kapwa residente ng Sitio Can-umiang, Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.

Sa ginawang imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, habang ang biktima at ang suspek ay dumalo sa lamayan ng kanilang kapitbahay ay nagkaroon umano ng mainitang argumento ang dalawa.

Umuwi umano ang suspek sa kanilang bahay at pagkaraan ay bumalik na may dala nang patalim kung saan ay sinaksak umano nito ang biktima na tinamaan sa tiyan.

Agad na dinala ang biktima sa Tablas Island District Hospital sa Poblacion, San Agustin, Romblon para malapatan ng agarang lunas.

Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa nagresponding tauhan ng San Agustin MPS.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang kaso na isampa ng San Agustin MPS sa Provincial Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon laban sa suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment