ROMBLON, Romblon – Kulong ang isang lalaking beautician sa isinagawang buy-bust operation ng kapulisan nitong pasado alas 6:00 ng hapon ng Marso 9, 2024 sa Barangay Ginablan, Romblon, Romblon.
Ang suspek ay kinilala na si Edgar Salvador Mortos, 50 anyos, walang asawa, beautician at residente ng Barangay Lunas, Romblon, Romblon.
Si Mortos ay inaresto sa ikinasang buy-bust operation ng ilegal na droga ng pinagsanib na operatiba ng MDEU-Romblon Municipal Police Station (lead unit), Romblon PPDEU at 4th Platoon, Romblon PMFC.
Isang poseur-buyer na pulis ang nakabili sa suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinaghihinalaang shabu kapalit ang halagang P500.00.
Pagkatapos na naturang transaksyon ay agad na dinakip ng mga pulis ang suspek.
Nakumpiska sa posesyon ng suspek ang ginamit na pera sa nasabing operasyon na isang tunay na P500 na perang papel at 7 piraso na P500 boodle money.
Kasama ring nakuha sa suspek dalawang pirasong susi, kulay pulang pitaka na may laman na halagang P35,023.00, isang Honda Beat na motorsiklo kung saan nakuha dito ang isang cellphone, isang $10.00, isang kaha ng sigarilyo, lighter at mga kagamitan sa parlor kagaya ng gunting, hair blower, hairclip, suklay, brush, hairspray, hair coloring, pulbos, tissue paper, mix bowl at iba pa.
Ang isinagawang pag-imbentaryo, pagkuha ng litrato at pagmarka ng nakuhang mga ebidensiya ay isinagawa sa lugar ng operasyon, at sa harap ng suspek at nina Hon. Babylyn Mazo at Hon. Imelda Mazo, mga Barangay Kagawad ng Barangay Ginablan, Romblon, Romblon at Ginoong Florencio R. Rabusa, Jr., kinatawan ng NPS.
Ang nakumpiskang ilegal na droga sa suspek ay tinatantiya na may timbang na 0.1 gram na nagkahahalaga ng P4,000.00.
Ang inarestong suspek at ang nakumpiskang ilegal na droga ay dadalhin sa Romblon Provincial Crime Laboratory Office para sa kaukulang pagsusuri.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Romblon MPS para sa dokumentasyon.
Kasong paglabag sa Section 5 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang inihahanda ng Romblon MPS na isampa laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Provincial Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon. (RSun Staff)






Add Comment