Poste ng TIELCO binangga ng Concrete Mixer truck ng Legacy, driver inireklamo

SANTA FE, Romblon – Nahaharap sa reklamo ang drayber ng Legacy Construction Corporation matapos mabangga ng minamaneho nitong concrete mixer truck ang kongretong poste ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) na nagdulot ng pagkawala ng suplay ng koryente nitong hapon ng Marso 4, 2024 sa Barangay Poblacion, Santa Fe, Romblon.

Inireklamo ni Fred Fajilan Siscar, 59 anyos, may-asawa, Area Manager ng TIELCO, at residente ng Barangay Mayha, Odiongan, Romblon, ang suspek na kinilalang si Romano Galica Arucio, 41 taong gulang, may-asawa, mixer operator ng Legacy Construction Corporation at residente ng Barangay Calagonsao, Alcantara, Romblon.

Sa imbestigasyon ng Santa Municipal Police Station, minamaneho umano ni Arucio ang concrete mixer truck papunta sa kanilang construction site ng bigla na lang umanong humarurot ng mabilis ang truck at nawalan ng kontrol ang drayber hanggang sa diretso itong tumama sa kongkretong poste ng TIELCO na nabali sa lakas ng pagkabangga.

Nagdulot ng pagkawala ng daloy ng koryente sa nasabing lugar dahil sa naturang insidente.

Ayon sa pamunuan ng TIELCO, umabot sa humigit kumulang sa halagang P100,000.00 ang natamong pinsala sa ari-arian ng naturang power provider.

Pinagtulungan naman ng mga kawani ng TIELCO, kasama ang mga tauhan ng Legacy Construction Corporation, Santa Fe MPS at MDRRMC ang pag-alis ng mixer truck at pagsaayos ng poste ng TIELCO at  maibalik ang supply koryente sa mga apektadong lugar. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment