Guro, ninakawan ng pera ng kanyang houseboy sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon -Nahaharap sa kasong pagnanakaw ang isang houseboy matapos nitong nakawan ang kanyang among titser niitong 1:30 ng hapon ng Marso 4, 2024 sa Sitio Proper, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay kinilala na si Henley Fontamillas Galiga, 48 taong gulang, may asawa, teacher at residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si John Andrew Famero Cruz, 22 taong gulang, binata, laborer at residente ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.

Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, nakaalis na umano ng kanilang bahay ang biktima at nalaman na lang nito na naiwan niya ang kanyang sling bag sa sala kaya’t agad itong bumalik sa kanilang bahay.

Noong nakita ng biktima ang kanyang sling bag ay nagulat ito at bukas na ang sling bag at nawawala ang kanyang pera na halagang P46,000.00 na nakalagay sa loob ng naturang bag.

Agad na humingi ng tulong ang biktima sa kanyang kapitbahay na si PCMS Arnaldo Cesar na pinigilan naman na makaalis ang suspek.

Habang iniimbestigahan ang suspek ay inamin nito na kinuha niya ang pera sa loob ng sling bag at boluntaryo nitong isinauli ang pera sa biktima.

Dinala ang suspek sa himpilan ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon.

Napag-alaman na ang suspek ay halos isang buwan na umanong houseboy ng biktima.

Napansin rin umano ng biktima ang kahina-hinalang kilos ng suspek ngunit pinalampas lang umano nito ang kanyang kutob.

Kasong Qualified Theft ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment