LOOC, Romblon – Arestado ang isang mekanikong senior citizen sa isinagawang buy-bust operation ng ilegal na droga nitong hapon ng Pebrero 19, 2024 sa Barangay Punta, Looc, Romblon.
Kinilala ang suspek na si Roy Glori Sarabia, 64 anyos, may kinakasama, “nasa watch list”, mekaniko at residente ng Barangay Guinhayaan, Looc, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station (LMPS), isang anti-illegal drug operation (buy-bust) ang ikinasa ng pinagsanib na mga tauhan ng PPDEU (lead unit) Looc MPS, PDEA Romblon at 1st Platoon, RPMFC sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA na nagresulta ng pagkahuli sa suspek.
Ayon sa Looc MPS, isang tauhan umano ng pulisya ang nagpanggap na kustomer ang nakabili sa suspek ng isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinaghihinalaang “shabu” kapalit ang halagang tatlong libong piso (P3,000.00).
Pagkatapos ng nasabing transaksyon ay nagpakilala ang undercover agent at agad na hinuli ang suspek.
Nakumpiska sa suspek, ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinaghihinalaang shabu, mga pera na iba’t-ibang dominasyon, isang kahang sigarilyo na Mighty, isang bag na kulay brown, at isang unit ng motorsiklong Rusi.
Ang pag-imbentaryo, pagmarka, pagkuha ng mga litrato ng ebidensya ay ginawa sa harap ng suspek sa nasabing lugar na sinaksihan nina Hon. Edificio E. Gabat, Punong Barangay at Barangay Kagawad Hon. Justiniano Garachico ng Barangay Punta, Looc, Romblon.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Looc MPS para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Sec. 5 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inihahanda ng Looc MPS na isampa sa pamamagitan ng Inquest Proceeding sa Provincial Prosecutor Office sa Odiongan, Romblon. (TMM)







Add Comment