SANTA MARIA, Romblon – Dinala sa ospital ang isang babaeng senior citizen matapos na maaksidente sa pagkasagi ng motorsiklo sa tabi ng kalsada kasama ang kausap na kababayan dakong 8:30 ng hapon ng Pebrero 19, 2024 sa National Road ng Barangay Paroyhog, Santa Maria, Romblon.
Ang mga biktima ay kinilala na sina Golee Francisco Ramirez, 51 taong gulang, may-asawa, magsasaka at Pia Mariposque Cornel, 70 anyos, balo, at kapwa residente ng Barangay Paroyhog, Santa Maria, Romblon, habang ang itinuturong suspek ay si Goeffrey Gallos Gapi, 62 taong gulang, may-asawa, magsasaka, at nakatira sa Barangay Paroyhog, Santa Maria, Romblon.
Sa nakalap na ulat ng Santa Maria Municipal Police Station, nag-uusap umano ang dalawang biktima sa tabi ng kalsada ng nasabing barangay, habang ang suspek naman ay sakay ng kulay itim na motorsiklong Icon Keeway na walang nakakabit na plaka at binabaybay ang National Road ng naturang barangay papunta sa direksyon ng bayan ng San Agustin, Romblon.
Pagdating sa nasabing lugar, ay nawalan umano ng kontrol sa kanyang sinasakyang motorsiklo ang suspek dahil sa mabilis na pagpatakbo nito at aksidenteng nasagi ang biktimang si Golee Ramirez na kung saan ay naitulak naman nito ang kausap na si Pia Cornel na natumba at diretsong nahulog sa bukas na kanal.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang senior citizen na babae na agad dinala sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan para malapatan ng kaukulang lunas.
Bahagyang sugat at gasgas naman ang natamo ng biktimang si Ramirez at ng suspek na si Gapi.
Dinala naman ng kapulisan ang motorsiklo na sangkot sa aksidente sa Santa Maria MPS para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)







Add Comment