ROMBLON, Romblon – Duguan, at may bale sa paa na dinala sa Romblon District Hospital ang mga biktima matapos na mabangga ng isang guro na sakay ng kanyang motorsiklo noong umaga ng Disyembre 21, 2023 sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.
Ang mga biktima ay nakilala na sina Jessa Mazo Montero, 26 taong gulang, dalaga, yaya, at isang menor de edad na batang lalaki na 11 taong gulang, at kapwa residente ng Barangay Lonos, Romblon, Romblon habang ang suspek na nakabangga ay Wencel Mingo Sabocojan, 29 taong gulang, may asawa, guro at nakatira sa Barangay Poblacion -III, Romblon, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, sakay umano ang suspek sa kanyang motorsiklong kulay itim na Rouser NS200, na walang nakakabit na plaka, at matulin na binabaybay ang kalsada sa Barangay Lonos papunta sa direksyon ng Poblacion ng Romblon, Romblon.
Pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada malapit sa bahay ng pamilya De Chavez ay nawalan umano ng kontrol sa kanyang motorsiklo ang suspek at aksidente nitong nabundol ang dalawang biktima na naglalakad sa tabi ng kalsada.
Ang suspek at ang biktima ay parehong natumba sa kongretong kalsada.
Nagtamo ng bale sa kanang paa ang menor de edad na batang lalaki habang nagkasugat naman sa likod ang biktimang babae na kapwa isinugod sa Romblon District Hospital para sa kaukulang medikasyon, habang ang suspek ay nagtamo ng kaunting sugat at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Kusa namang sumuko ang suspek na guro sa Romblon MPS pagkatapos ng aksidente at kasalukuyang nasa kustodiya ng Romblon MPS.
Ang sangkot motorsiklo sa aksidente ay dinala sa Romblon MPS para sa kaukulang dokumentasyon.
(Tony Macalisang)






Add Comment