Deprecated: The called constructor method for WP_Widget class in EV_Widget_Entry_Views is deprecated since version 4.3.0! Use __construct() instead. in /home/romblons/public_html/wp-includes/functions.php on line 6131
Dahil sa mainitang diskusyon, lalaki sa Magdiwang, Romblon sinaksak ng kainuman - Romblon Sun
Home » Blog » Dahil sa mainitang diskusyon, lalaki sa Magdiwang, Romblon sinaksak ng kainuman

Dahil sa mainitang diskusyon, lalaki sa Magdiwang, Romblon sinaksak ng kainuman

MAGDIWANG, Romblon – Dalawang tama ng saksak ang tinamo ng isang lalaki matapos itong saksakin ng nakasagutang kainuman kaninang 12:00 ng madaling araw,  Disyembre 14, 2023 sa Barangay Agsao, Magdiwang, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Christian Malavega, 33 taong gulang, binata, laborer, habang ang suspek ay kinilala na si Camilo Ibabao Gonzales, 57 taong gulang, walang asawa, laborer at kapwa residente ng Barangay Agsao, Magdiwang, Romblon.

Sa imbestigasyon na nakalap ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS), ang biktima at ang suspek kasama ang kanilang mga kaibigan ay magkasama umanong nag-iinuman sa isang tindahan sa naturang barangay. Habang nag-iinuman ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek. Maya-maya pa ay umalis umano ang suspek at di nagtagal ay bumalik ito na may dala nang patalim na kung saan ay bigla na lang nitong sinaksak ang biktima.

Tinamaan ang biktima sa kaliwang kamay at sa itaas na bahagi ng kaliwang tiyan.

Agad na isinugod ng kanyang mga kasamahan ang biktima sa Magdiwang Rural Health Unit upang malapatan ng kaukulang lunas habang tumakas naman umano ang suspek sa hindi batid na direksyon dala ang ginamit nitong armas sa pananaksak.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang rumesponding mga tauhan ng Magdiwang MPS at kanilang naaresto ang suspek sa kanilang tahanan ngunit hindi na narekober ang ginamit nitong patalim.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Magdiwang MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment