ODIONGAN, Romblon – Duguan sa ulo at katawan na isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos itong hampasin at saksakin ng basag na bote ng alak ng kanyang kainuman dakong 11:50 ng gabi kahapon, Disyembre 5, 2023 sa Sitio Proper, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na si Michael Quijano Tambalque, 44 taong gulang, may asawa, empleyado ng STL at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon, habang ang itinuturong suspek ay si Michael Cortez Mazo, 38 taong gulang, may asawa, construction worker at residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktima at ang suspek ay magkasamang nagiinuman sa isang tindahan sa nasabing lugar kung saan ay nagkaroon umano ng mainitang diskusyon sa pagitan ng dalawa. Kumuha umano ng bote ng alak ang suspek at nilapitan nito at kinumpronta ang nakaupong biktima at bigla umano nitong hinampas ng bote ng alak sa ulo at sinaksak ng ilang beses gamit ang basag na bote ng alak sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Agad namang dinampot ng mga nagresponding tauhan ng Odiongan MPS ang suspek na itinuro ng mga nakasaksi sa nasabing insidente na nag-ugat umano dahil sa kalasingan.
Kasabay rin na isinugod sa Romblon Provincial Hospital ng mga kapulisan ang biktima para malapatan ng kaukulang lunas.
Narekober sa naturang lugar ang basag na bote na ginamit ng suspek sa naturang krimen.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa nasabing suspek. (TMM)







Add Comment