ROMBLON, Romblon – Isang residential na bahay ang nilamon ng apoy dakong 12:10 ng madaling araw ng Disyembre 5, 2023 sa Barangay Lamao, Romblon, Romblon.
Ang nasunog na bahay ay pagmamay-ari ni Lenita Ramos Muros, 46 taong gulang, maybahay at residente ng nasabuing barangay.
Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa isang opisyal ng Barangay Lamao, Romblon, Romblon tungkol sa nasusunog na bahay ng biktima kaya’t agad silang nagpadala ng kanilang tauhan sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon, nagsimula umano ang apoy sa bandang kusina at mabilis na kumalat sa buong kabahayanan na gawa sa materyales na kahoy, kawayan, yero at pawid.
Kasama ring nasunog ang lahat na mga kagamitan ng biktima.
Dakong 3:20 ng umaga idineklarang fireout ng mga tauhan ng BFP – Romblon ang naturang sunog na kanilang iniimbestigahan ang pinagmulan.
Hindi pa tiyak kung magkano ang halaga ng pinsala ng sunog.
Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing pangyayari. (TMM)







Add Comment