ALCANTARA, Romblon – Kasalukuyang nakakulong sa Alcantara Municipal Police Station ang suspek sa pagkamatay ng isang binata na pinaghahampas ng tubong bakal, dakong madaling araw ng Disyembre 1, 2023 sa isang lamayan sa Barangay Camili, Alcantara, Romblon.
Kinilala ng Alcantara Municipal Police Station ang suspek na si Jeselo Antonio Galicia, 39 taong gulang, driver at nakatira sa Barangay Bagsik, Alcantara, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Alcantara MPS nakita umano ng suspek ang biktima na si Gregorio Fernandez Galicha at ang kapatid nito na si Jolito Fernandez Galicha sa isang lamayan at walang kaabog-abog na hinampas nito ng ilang beses ang biktima gamit ang tubong bakal na tinamaan sa likurang bahagi ng ulo. Pinalo rin umano ng suspek ang kapatid ng biktima ngunit sinangga nito ng kamay ang tubo saka tumakbong umiwas.
Tumakas umano ang suspek pagkatapos ng naturang insidente.
Isinugod naman sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon ang walang malay na biktima na kalaunan ay binawian ng buhay. (TMM)







Add Comment