SANTA FE, Romblon – Kumpiskado ang isang paltik na baril at mga bala sa isang bahay matapos ikasa ang Search Warrant sa Sitio Cabalian, Barangay Agmanic, Santa Fe, Romblon dakong 7:00 ng umaga ng Nobyembre 19, 2023.
Kinilala ang may-ari ng bahay na si Jonathan Valentin De Esoy, 43 taong gulang, may-asawa, mangingisda at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa Santa Fe Municipal Police Station, isinagawa ng pinagsanib na tauhan ng kanilang estasyon, CIDG Romblon PFU (lead unit), RID MIMAROPA, PIU Romblon Tracker Team at Romblon PMFC ang pagpatupad ng Search Warrant No. 35-23 na inisyu nitong Nobyembre 17, 2023 ni Honorable Donna Borda Pascual, Executive Judge, Retional Trial Court, Branch 81, Romblon, Romblon sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa sinasabing suspek.
Matapos na maghalughog sa bahay ng suspek ay nakuha ang isang kalibre 38 na baril na walang tatak at serial number, limang pirasong bala para sa kalibre 38.
Ang pagsagawa ng Search Warrant sa nasabing bahay ay dukumentado gamit ang body camera at recording device. Saksi rin ang mga opisyal ng barangay na sina Barangay Kapitan Roberto Rufon Solanoy at Barangay Kagawad Rian Valentin Solanoy ng Barangay Agmanic, Santa Fe, Romblon. (AMM)







Add Comment