SAN FERNANDO, Romblon – Agad na binawian ng buhay ang isang negosyante matapos na mabangga sa kasalubong na motorsiklo noong 9:30 ng gabi ng Setyembre 23, 2023 sa National Road ng Barangay Asagra, San Fernando, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Eugene Ruz Relox, 45 taong gulang, may-asawa, negosyante at residente ng Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon.
Sa isinagawang imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station, sakay ng motorsiklong RUSI MP 110, ay binabaybay ni Eugelio Rino Garcia, 20 taong gulang, binata, estudyante at ng angkas nito na si Janry Rino Roda, 23, binata, estudyante, kapwa residente ng Barangay Cambijang, Cajidiocan, Romblon, ang national road mula sa Barangay Poblacion ng San Fernando, Romblon, habang nasa kabilang direksyon naman ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo na Kawasaki Rouser 135 mula sa Barangay Otod, San Fernando, Romblon papunta ng Brgy Campalingo. Pagdating sa lugar ng aksidente ay direktang nagsalpukan ang dalawang motorsiklo sa gitna ng kalsada na nagresulta sa pagtilapon ng mga sakay ng dalawang motorsiklo. Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at katawan ang biktima na nagresulta ng agaran nitong kamatayan na kinumpirma ng napadaan na doktor sa lugar na si Dra. Nolmer Ruallo, Municipal Health Officer ng San Fernando RHU, ilang minuto pagkatapos maganap ang nasabing aksidente.
Samantala, isinugod naman sina Garcia at Roda sa Rural Health Unit ng San Fernando na kalaunan ay dinala sa Sibuyan District Hospital.
Ang dalawang sangkot na motorsiklo sa naturang aksidente ay dinala sa himpilan ng San Fernando MPS para sa kaukulang disposisyon. (TMM)






Add Comment