SAN ANDRES, Romblon – Iba’t-ibang klaseng baril at bala ang natagpuan ng kapulisan sa isang bahay sa Sitio Riverside, Barangay Mabini, San Andres, Romblon nitong umaga ng Setyembere 12, 2023 matapos ipatupad ang Search Warrant sa nasabing bahay.
Kinilala ang may-ari ng bahay na si Golden Gadon Española, 43 taong gulang, may asawa, magsasaka at residente ng naturang barangay.
Ang paghalughog sa bahay ni Española ay isinagawa ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station (Lead Unit) sa pangunguna ni PLt. Elena M. Gebaña, OIC, katuwang ang mga operatiba ng Romblon Provincial Mobile Force Company at Romblon PIU sa bisa ng Search Warrant No. 05-2023 na inisyu ni Honorable Judge Edwin B. Buffe ng Regional Trial Court (RTC), Branch 82, Odiongan, Romblon, nitong Setyembre 4, 2023.
Ang pagsiyasat sa bahay ng suspek ay isinagawa sa presensya ng mga testigo na sina Barangay Captain Roger Lota Gacula, Barangay Kagawad Maricris Cantoria Agustin, Barangay Kagawad Arlene Gas Silanga at ng mismong may-ari ng bahay.
Ang mga narekober sa isinagawang Search Warrant sa bahay ni Española ay kinabibilangan ng isang baril na Amscor caliber 45 na kulay itim, 2 magazine ng caliber 45, walong (8) pirasong bala ng cal. 45, isang (1) caliber 38 na baril, dalawang pirasong bala ng cal. 38, isang baril na airgun at isang sling bag.
Dahil sa nakuhang mga ebedensya sa bahay ng suspek ay agad itong hinuli ng mga kapulisan.
Ang nasabing suspek at ang mga nakuhang ebedensya ay parehong dinala sa mga awtoridad sa San Andres MPS para sa kaukulang imbestigasyon.
Ang suspek ay nahaharap sa paglabag sa RA 10591 na inihahanda ng San Andres MPS na isampa sa tanggapan ng Provincial Prosecutor laban sa naturang suspek. (RSun Staff)







Add Comment