SANTA FE, Romblon – Isa ang bayan ng Santa Fe sa lalawigan ng Romblon ang nakaranas ng matinding pinsala nitong nakalipas ng bagyong Jolina na nagpabaha sa iba’t-ibang barangay at dahilan ng pagkasira ng mga kabuhayan at ari-ari sa nasabing bayan.
Sa nakitang mga pangyayari sa kanyang bayan sinilangan ay hindi nag atubili na magpadala ng tulong si Ms Marivilla Montesa isang registered nurse na Santafehon na ngayon ay naninirahan sa California, USA sa kanyang mga kababayan na biktima ng bagyong Jolina.
Maalaala na si Madam Montesa ang nasa likod ng International Santafenhon Foundation Benefactor na nagpatayo ng estatwa ni Sta. Fe na maituturing na isang landmark ng bayan ng Santa Fe na makikita sa bukana ng pier ng nasabing bayan.

Sa pamamagitan ng kanyang pinagkatiwalaan na mag-asawang sina Ginoong Gerry at Madam Jessica Madrid ay ikinasa ang OPERATION BAHA na ang hangad ay matulungan ang mga mahihirap na pamilya sa bayan ng Santa Fe na biktima ng bagyo.
Naging katuwang ng mag-asawang Madrid ang mga tauhan ng Santa Fe Municipal Police Station sa katauhan nina PMSg Riosy G Morales, Asst. WCPD/Asst. PCR PNCO sa pamimigay ng tulong na isang sakong bigas sa bawat mahihirap na benipisaryong 50 pamilya na kusang inihatid sa kanilang bahay sa barangay na sakop ng bayan ng Santa Fe.
Abot-abot naman ang papasalamat ng mga nakatanggap na pamilya sa naturang pinagkaloob na biyaya na hindi umano nila inaasahan na mayroong isang taong may mabuting puso na magbigay sa kanila ng naturang grasya.
Maliban sa kawang gawa na Operation Baha ni Madam Montesa ay nakita rin nito ang problema at pangangailangan ng mga nasa isolation facility sa bayan ng Santa Fe na mga nagpositibo sa coronavirus o COVID-19 kung kaya’t nagpasya rin ito na magpadala ng panibagong tulong para sa mga nagpapagaling sa naturang lugar.
Namahagi ang kanyang mga pinagkatiwalaan ng 25 na sakong bigas, mga dressed chicken at mga itlog sa mga nasa hiwalay na pasilidad.
Sa panawagan ni Rev. Fr. Nhoy Tandog, kura paroko ng simbahang Katoliko ay nagpaabot rin ng tulong si Ms Marivilla sa nasabing simbahan at naihatid ang 60 na sakong bigas upang ipamahagi ng naturang parokya sa kanilang mga nasasakupan.
Ngiti, pasasalamat at dalangin ang kanilang ganting ipinaabot kay Ms Marivilla Montesa dahil sa pagmamagandang loob nito sa kanyang mga kababayan ng Santa Fe. Anila, ay sana ay pagkalooban pa ito ng mahabang buhay at mailayo sa panganib.
Mag silbing huwaran para sa mga kabataang Santafenhons na gayahin ito na lumilingon sa kanyang pinanggalingang bayan ng Santa Fe, Romblon.







Add Comment