SAN AGUSTIN, Romblon – Dalawang magkasunod na motorsiklo ang naaksidente matapos na mabangga ng sumusunod na motorsiklo ang naunang motorsiklo dakong 5:00 ng hapon ng Setyembre 20, 2021 sa national road ng Barangay Doña Juana, San Agustin, Romblon.
Ang mga sangkot sa naturang aksidente ay isang motorsiklong pulang RUSI Macho TC 125 na pag-aari at minamaneho ni Kimberly Madrazo Manzo, 28 taong gulang, walang asawa, walang trabaho at residente ng Barangay Doña Juana, San Agustin, Romblon kasama ang angkas na anak nito na si Norven Manzo Fornal, 8 taong gulang, habang ang pangalawang motorsiklo ay isang kulay itim na may orange na RUSI MP Y110 na minamaneho ng may-ari na si Gilbert Gado Ursua, 31, may-asawa, laborer kasama ang angkas na si Eddie Gado Ursua, 56, may-asawa, laborer at parehong residente ng Barangay Buli, San Agustin, Romblon.
Sa ginawang imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, (SAMPS), kapwa umano binabaybay ng dalawang motorsiklo ang kahabaan ng national road mula sa Poblacion ng San Agustin, Romblon papuntang Barangay Doña Juana at pagdating sa maiksing kurbada ay humarurot ng patakbo si Ursua upang mag-overtake sa sinusundang motorsiklo na dala ni Manzo na walang kaalam-alam sa balak ng sumusunod na motorsiklo at ito ay lumiko sa kaliwa para magparada ngunit siya namang tiyempo ng pagdaan ng matulin na takbo ng motorsiklo ni Ursua at direkta itong sumalpok sa motorsiklo ni Manzo. Dahil sa lakas ng pagkabangga ay kapwa tumilapon ang dalawang motorsiklo kasama ang mga sakay nito.
Nagtamo ng mga sugat at gasgas sa katawan ang mga drayber at angkas ng nasabing mga motorsiklo na dinala sa Tablas Island District Hospital para malapatan ng agarang lunas.
Ang mga sangkot sa aksidente ng sasakyan ay dinala sa San Agustin MPS para sa kaukulang disposisyon.






Add Comment