ODIONGAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 57 gulang na Barangay Tanod na pinagsusuntok ng kanyang nakaalitan dakong 6:08 kagabi, Pebrero 2, 2026, sa Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si alyas “Nano”, walang asawa, Barangay Tanod at residente ng Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay kinilala na si alyas “Al”, binata, empleyado ng PMT at residente ng Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, naglalakad umano ang biktima sa gilid ng kalye na nasa Firmalo Boulevard, Barangay Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon ng makita ito ng suspek na dati nitong nakaalitan.
Bigla na lang umanong itong sinugod ng suspek at ilang beses na pinagsusuntok sa ulo.
Sinubukan naman ng biktima na lumayo para maiwasan ang panununtok ng suspek, ngunit nakailang hakbang lamang ito nang matumba at tumama ang ulo sa matigas na bagay.
Agad ring dinala ang biktima sa Romblon Provincial Hospital ng nagresponding mga tauhan ng MDRRMO Odiongan na tinawagan ni Kagawad Magallanes, ngunit idineklara ang biktima na “dead on arrival” (DOA) ng sumuri na doktor.
Ang suspek ay hinuli ng mga tauhan ng Odiongan MPS at isinailalim ito sa kanilang kustodiya para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Isang menor de edad umano ang saksi na nakakita sa naturang pangyayari.
Nahaharap sa kasong Homicide ang suspek na inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa korte. (RSun Staff







Add Comment