CAJIDIOCAN, Romblon – Isang 32 taong gulang na magsasaka ang nasawi pagkatapos itong madulas sa kalsada at nahulog sa ilog pasado hating gabi ng Biyernes, Pebrero 13, 2026 sa Sitio Paniguintingan, Barangay Lumbang Weste, Cajidiocan, Romblon.
Ayon sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station, dakong 3:00 ng hapon ng Pebrero 12, ang biktima na residente ng nasabing barangay ay dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ang kanyang kapitbahay kung saan ay napasabak ito sa inuman.
Natapos umano ang kanilang inuman, bandang 12:10 ng madaling araw ng Pebrero 13, ang biktima at ang kanyang mga kasamahan kabilang ang isang barangay Tanod at iba pa, ay nagdesisyon na umuwi na kani-kanilang bahay.
Sa kanilang pag-uwi ay dumaan sila sa isang hanging bridge na nag-uugnay sa magkabilang bangin na may lalim na 15 metros.
Pagkatapos na makatawid ng tulay, ay nadulas umano ang biktima sa bahaging madulas na kalsada at nahulog sa mabato na malalim na ilog.
Agad naman umanong humingi ng tulong ang mga kasamahan ng biktima at nagsagawa ng search and retrieval operations, ngunit nabigo ang mga ito dahil sa malakas na agos at malabong tubig.
Noong 7:30 ng umaga ng Pebrero 14, tumulong na rin ang mga lokal na residente sa isinagawang search and retrieval operation hanggang sa natagpuan ang biktima sa ilalim na bahagi ng ilog na halos wala nang ulirat.
Dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital kung saan ay dineklara itong pumanaw na ng sumuri na doktor.
Wala namang nakitang foul play sa pagkamatay ng biktima at kumbinsido ang kanyang mga kamag-anak na aksidente ang dahilan ng pagkasawi nito. (RSun Staff)







Add Comment