SAN ANDRES, Romblon – Arestado ang isang 38 anyos na lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan laban sa ilegal na droga dakong 7:55 kagabi, Marso 6, 2026 sa Ganan Blvd., Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.
Ang suspek ay kinilala na si alyas “Ben”, 38 taong gulang, walang trabaho at residente ng Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.
Base sa ulat, isang buy-bust operation laban sa ilegal na droga ang isinagawa ng pinagsanib na tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit Romblon PPO (lead unit), katuwang ang PDEA Romblon, San Andres Municipal Police Station at Maritime Police Romblon na nagresulta sa pagkahuli sa suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na “poseur buyer” ang nakabili sa suspek ng dalawang piraso na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang ilegal na droga kapalit ang halagang isang libong piso (P1,000.00).
Matapos ang transaksyon ay agad na inaresto ang lalaki.
Sa ginawang pagsiyasat sa suspek, nakuha sa bulsa nito ang tatlo pang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang “shabu” na nakabalot sa papel, pera na halagang isang libong piso (P1,000.00) na “marked money” na ginamit sa buy-bust operation, mga perang barya, lighter, at isang motorsiklong Suzuki Smash.
Ang pag-imbentaryo, at pagkuha ng mga ebidensya ay ginawa sa harap ng suspek na sinaksihan ng opisyal ng barangay at kinatawan mula sa media.
Dinala ang suspek sa San Andres Municipal Police Station at isinailalim sa kustodiya ng nasabing himpilan.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 and Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inihahandang isampa ng San Andres MPS sa pamamagitan ng Inquest Proceeding sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)






Add Comment