SAN AGUSTIN, Romblon – Sugatan na dinala sa ospital ang isang lalaking magsasaka na sinaksak ng kanyang nakasuntukan dakong 2:45 ng hapon ng Enero 31, sa Sitio Duyom, Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon.
Kinilala ang ang biktima na si alyas “Vin,” 53 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Sitio Duyom, Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon, samantalang ang itinuturong suspek ay nakilala na si alyas Bert, 31 taong gulang, walang trabaho at residente ng Sitio Can-umiang, Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, sa nasabing oras at lugar ay pumunta umano ang biktima sa suspek para pag-usapan at aregluhin ang dati nilang alitan. Ngunit, sa halip na makipag-areglo ay hinamon umano ng suspek ang biktima ng suntukan.
Habang sila ay nagpapalitan ng suntok ay bumunot umano ng patali ang suspek at sinaksak ang biktima na tinamaan sa kanang bahagi ng tiyan.
Sinubukan namang lumayo ng biktima ngunit hinabol pa rin ito ng suspek at nang maabutan ay hinampas ng bato sa ulo.
Dinala ang biktima sa Tablas Island District Hospital ng nagmalasakit na mga residente para sa atensyong medikal.
Samantala, dinakip naman ang suspek ng mga nagresponde na tauhan ng San Agustin MPS. Narekober rin sa kanya ang ginamit nitong armas sa pananaksak.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng San Agustin MPS sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Tanggapan ng Piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)







Add Comment