ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang Sangguniang Bayan member ng Corcuera, Romblon matapos na mabilhan ng ilegal na droga kaninang madaling araw, Marso 2, sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Nakilala ang suspek na si Ricky Fronda Fermo, 55 taong gulang, may-asawa, Sangguniang Bayan member at residente ng Barangay San Roque, Corcuera, Romblon.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ikinasa umano ng pinagsamang tauhan ng Police Provincial Drug Enforcement Unit (lead unit) at Odiongan MPS MDEU, Corcuera Municipal Police Station MDEU, RDEU PRO MIMAROPA at PDEA Romblon ang anti-illegal drug operation (Buy-bust) na nagresulta sa pagkahuli sa nasabing suspek.
Isang pulis na nagpanggap na poseur buyer ang nakabili sa suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng halagang P4,000.00.
Ang pag-imbentaryo at pagkuha ng mga litrato ay isinagawa sa harap ng suspek na sinaksihan ng mga opisyal ng Barangay Poctoy at kinatawan ng Media.
Ang suspek ay isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang inihahandang isampa ng kapulisan laban sa nasabing suspek na Sangguniang Bayan member. (RSun Staff)







Add Comment