Home » Blog » Inanod na labi ng lalaki natagpuan sa tabi ng dalampasigan sa San Agustin, Romblon

Inanod na labi ng lalaki natagpuan sa tabi ng dalampasigan sa San Agustin, Romblon

SAN AGUSTIN, Romblon – Walang suot na damit nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki dakong 8:50 kaninang umaga, Oktubre 23, 2024 sa tabi ng dalampasigan ng Sitio Panas Dakotan, Barangay Hinugusan, San Agustin, Romblon.

Nakilala ang biktima na si Winard Madraso Manao, 46 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Barangay Hinugusan, San Agustin, Romblon.

Base sa ulat ng San Agustin Municipal Police Station nakatanggap umano sila ng tawag na may natagpuan na bangkay na lalaki sa tabi ng dalampasigan ng Sitio Panas, Dakotan, Barangay Hinugusan, San Agustin, Romblon.

Agad silang nagpadala ng kanilang mga tauhan sa nasabing lugar kasama ang mga taga BFP San Agustin at mga empleyado ng MDRRMC San Agustin.

Pagdating sa lugar ay nakita ng grupo ang bangkay na walang suot na damit.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na noong 9:00 ng umaga ng Oktubre 22, ang biktima kasama ang anak nitong 11 taong gulang ay pumunta sa kanilang niyugan upang kumuha ng mga niyog para gagawing copra.

Napag-alaman na tatawid pa ng ilog para makarating sa sinasabing niyugan ng biktima. May hinala ang kinaukulan na maaring nadisgrasya ang mag-ama habang tumatawid ng ilog.

Habang sa kasalukuyan ay wala rin balita tungkol sa 11 taong gulang na anak ng biktima.

Ikinasa na rin ng mga awtoridad ang search and rescue operation para matagpuan ang nawawalang bata. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment