Home » Blog » Dalagang estudyante naaksidente sa motorsiklo, patay

Dalagang estudyante naaksidente sa motorsiklo, patay

SAN ANDRES, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang babaeng estudyante matapos itong maaksidente sa motorsiklo dakong 11:30 ng gabi ng Oktubre 22, 2024 sa National Road ng Barangay Mabini, San Andres, Romblon.

Napag-alaman na ang biktima ay isang 19 taong gulang na dalaga at Grade 12 na estudyante ng San Andres National High School at siyang nagmamaneho ng motorsiklong Suzuki Fury 125 at angkas nito ang kanyang pinsang lalaki na 19 taong gulang, out of school youth at pawang residente ng Barangay Marigondon Sur, San Andres, Romblon.

Sa imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station (SAMPS), ang biktima kasama ang angkas nitong pinsan ay sakay ng motorsiklo na binabaybay ang National Road ng Barangay Mabini, San Andres,  papunta sa direksyon ng Barangay Tanagan, San Andres, Romblon ay aksidenteng bumangga sa kongkretong barrier sa gilid ng kalsada at dahilan para tumilapon ang mga biktima sa palayan.

Pagkatapos ng aksidente ay hinanap ng angkas na pinsan ang biktima ngunit dahil sa madilim at masama ang panahon ay hindi niya ito nakita.

Pagkatapos ng ilang minuto na paghahanap ay nagpasya itong umuwi at ibinalita ang nangyaring aksidente sa kanilang mga kamag-anak.

Kasama ang mga kamag-anakan at mga tauhan ng San Andres MPS ay binalikan nila ang lugar kung saan nangyari ang aksidente at kanilang natapuan sa palayan ang walang malay na biktima.

Agad nila itong dinala sa San Andres Municipal Hospital ngunit dineklara itong “dead on arrival” ng sumuring doktor dakong 2:00 ng madaling araw ng Oktubre 23, 2024.

Nagtamo ng pinsala sa bandang kanang bahagi ng ulo ang biktima at may mga gasgas sa iba’t-ibang  bahagi ng katawan habang ang angkas nitong pinsan ay nagtamo naman ng pinsala sa kanang paa.

Sa dagdag na impormasyon ay napag-alaman ng kapulisan na noong 9:00 ng gabi ng Oktubre 22 ang biktima ay nakipag-inuman umano sa kanyang mga kaibigan sa isang bahay sa Barangay Marigondon Sur ng nasabing bayan at pagkatapos makaubos ng dalawang bote ng alak ay nagdesisyon na bibisita sa kanyang kasintahan sa Barangay Tanagan, San Andres, Romblon kasama ang angkas nitong pinsan. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment