ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa tangkang pagpatay ang isang mekaniko matapos nitong dayuhin at tagain ang magkapatid noong gabi ng Nobyembre 1, 2024 sa Sitio Bagong Buhay, Barangay Bangon, Odiongan, Romblon.
Ang mga biktima ay magkapatid na laborer na edad 29 at 23 taong gulang, walang asawa, habang ang suspek ay isang mekaniko, 31 anyos, binata at pawang residente ng Sitio Bagong Buhay, Barangay Bangon, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, napag-alaman na dakong 2:00 ng hapon ng nasabing araw, ang unang biktima at ang suspek ay nag-iinuman kasama ang kanilang mga kapitbahay.
Pagkalipas ng halos dalawang oras na pagtatagayan ng alak ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek.
Kinumpronta umano ng biktima ang suspek na tuwing ito’y nalalasing ay ginugulo umano nito ang pamilya ng biktima habang siya ay nasa kanyang trabaho sa San Jose, Romblon.
Naawat naman umano ang dalawa ng kanilang mga kaibigan at sila’y umuwi na.
Noong nasa kanilang bahay na ang biktima, narinig nito ang suspek na malakas na nagsisigaw ng, “Liwas kag maisog!” at hinamon ang biktima ng suntukan. Sinagot naman ito ng suspek at sinabihan ang biktima na, “Buhii ng ing sunrang!”.
Dahil dito ay nagalit umano ang suspek at sumugod sa bahay ng biktima na may bitbit na gulok at tinaga ang biktima na tinamaan sa ulo.
Noong nakita ito ng nakababatang kapatid ng biktima na may sugat ang kanyang kapatid ay sinugod nito ang suspek at hinawakan ang kamay at inawat, ngunit pati siya ay tinaga ng suspek at tinamaan sa kaliwang balikat.
Nag-agawan sila sa armas hanggang sa nagpagulong-gulong sa lupa at nasugatan rin ang suspek sa ulo.
Pagkatapos na maawat ng kanilang mga kapitbahay ang dalawa ay parehong dinala ang tatlo sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Hindi na natagpuan ng nagrespondeng mga awtoridad ang ginamit na armas ng suspek.
Kasong paglabag sa Article 249 of the RPC (Frustrated Homicide) ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Opisina ng Provincial Prosecutor’s laban sa suspek. (RSun Staff)








Add Comment