Home » Blog » Rider na nakatulog habang sakay ng motorsiklo, nahulog sa sapa

Rider na nakatulog habang sakay ng motorsiklo, nahulog sa sapa

SAN FERNANDO, Romblon – Nagising na lang na nakahandusay na katabi ang kanyang sinakyang motorsiklo at sugatan sa ulo ang isang guwardiya matapos itong mahulog sa sapa dahil sa pagkatulog habang sakay ng kanyang motorsiklo dakong hapon ng Nobyembre 1, 2024 sa National Road ng Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon.

Kinilala ng San Fernando Municipal Police Station ang biktima na isang 39 anyos na guwardiya, may-asawa at residente ng Sitio Cruz, Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.

Sa ulat ng San Fernando MPS, sakay ng kanyang Euro Viperman 150 na motorsiklo ang biktima galing ng Barangay Azagra at papunta sa Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon.

Pagsapit umano sa pagitan ng Barangay Azagra at Barangay Campalinggo ay dumiretso at nahulog sa sapa ang motorsiklo na minamaneho ng biktima.

Nagtamo ng sugat sa ulo ang guwardiya na dinala sa Rural Health Unit San Fernando ng nakakita na mga  lokal na residente.

Pahayag ng biktima na nagtamo ng sugat sa ulo na, nakatulog umano siya habang nagmamaneho at nagkamalay na lang sa ilalim ng sapa na katabi ang kanyang motorsiklo.

Ayon sa mga testigo, bago ang nasabing aksidente ay mabilis umano ang pagpapatakbo ng biktima ng kanyang motorsiklo papunta sa direksyon ng Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon.

Dinala ang sangkot na motorsiklo sa San Fernando MPS para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment