Bangkay ng lalaki nakitang nakalutang sa dagat sa Calatrava, Romblon

CALATRAVA, Romblon – Nagulat na lang ang tatlong kabataan na naliligo sa dagat ng kanilang nakita ang palutang-lutang na katawan ng isang lalaki dakong umaga ng Mayo 22 sa Barangay Linao, Calatrava, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Edmar Galin Regala, 25, binata, at residente ng nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ng Calatrava Municipal Police Station, habang naliligo umano sa dagat na sakop ng Barangay Linao ang tatlong kabataang menor de edad ay kanilang nakita ang nakalutang na bangkay ng biktima. Agad nila itong ipinagbigay alam kay Barangay Kagawad Randy Fallaria na siyang nanguna para marekober at madala ang bangkay sa dalampasigan.

Pagkatapos na madala sa pampang ay sinubukan umano na bigyan ng first aid ng nagresponding mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang biktima ngunit bigo ang mga ito na maibalik ang malay ng binata.

Dinala ang biktima sa Rural Health Unit ng Calatrava para sa post-mortem na pagsusuri.

Napag-alaman na ang biktima ay nasuri na may sakit na epilepsy mula pagkasilang.

Huling nakita ang biktima na nangunguha ng papaya bago maligo sa dagat hanggang sa natagpuan itong palutang-lutang sa dagat.

Kumbisido naman ang pamilya ng biktima na sinumpong ng kanyang sakit ang biktima habang naliligo sa dagat at naging dahilan ng kanyang pagkalunod. (RSUN Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment