Lalaki sinaksak ng basag na bote ng alak ng nakasagutang kainuman sa Romblon, Romblon

Romblon, Romblon – Sugatan sa leeg na dinala sa ospital ang isang lalaki matapos itong saksakin ng basag na bote ng alak ng kanyang nakasagutan na kainuman dakong hapon ng Mayo 19, sa Sitio Maningning, Purok Mabuhay, Barangay Mapula, Romblon, Romblon.

Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang biktima na si Sonny Moaje Ignacio, 38, binata, laborer at residente ng Barangay Mapula, Romblon, Romblon habang ang suspek ay nakilala na si Redentor Feliciano Malay, 47, may-asawa, laborer at nakatira sa Barangay Bagacay, Romblon, Romblon.

Sa ulat ng Romblon MPS, ang biktima kasama ang suspek ay nagkainuman umano sa bahay ni Nicolas M. Macalisang, Jr., ng nasabing barangay.

Pagkatapos na makaubos ng dalawang bote ng alak na gin ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo  ang suspek at biktima.

Hinampas umano ng suspek ang biktima sa ulo gamit ang bote ng alak. At saka nito sinaksak ng nabasag na bote ang biktima sa bandang leeg.

Pagkatapos ng insidente ay tumakas ang suspek papunta sa direksyon ng Poblacion ng Romblon, Romblon.

Dinala naman ang biktima sa Romblon District Hospital para sa kaukulang atensyong medikal.

Dakong 7:08 ng gabi ay isinuko ni Herman Magada ang suspek sa mga nakatalang tauhan ng Romblon MPS sa Freedom Park Police Outpost sa Barangay Poblacion 1, Romblon, Romblon.

Ayon sa Romblon MPS, may dati na umanong alitan ang biktima at ang suspek.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kaukulang kaso na isasampa ng Romblon MPS sa piskalya. (RSun Staff)

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment