Magkabarangay na nakainom, nagsuntukan na nauwi sa saksakan sa San Andres, Romblon

SAN ANDRES, Romblon  – Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang isang lalaki matapos nitong masaksak ang nakasuntukang kabarangay dakong 8:30 kagabi, Abril 2, sa Sitio Core, Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.

Ang biktima ay kinilala ng San Andres Municipal Police Station (SAMPS) na si Marlon Magramo Galindez, 30 taong gulang, binata, walang trabaho, habang ang itinuturong suspek ay si Virgil Gamo Musico, 44 anyos, may kinakasama, walang trabaho, at parehong nakatira sa Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.

Sa imbestigasyon ng San Andres MPS, ang suspek at ang kanyang ka live-in partner ay nag-iinuman umano sa tabi ng barangay road ng Sitio Core, Brgy. Poblacion, San Andres, Romblon nang dumating ang nasa ilalim ng espiritu ng alak na biktima at nilapitan ang mag-partner.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek hanggang bigla na lang umanong sinuntok ng biktima ang suspek sa mukha na ikinatumba nito.

Nagpatuloy ang pangbuno at pagulong-gulong ng dalawa sa kalsada. Nakakuha ng pagkataon ang suspek na mabunot ang patalim na nakalagay sa kanyang baywang at sinaksak ang biktima.

Tinamaan ang biktima sa kaliwang bahagi ng kanyang tiyan at nasugatan rin sa kanang kamay.

Tumakbo ang biktima para maiwasan pa ang pananaksak ng suspek.

Sa tulong ng mga kalugar ay dinala ang biktima sa San Andres Municipal Hospital para sa agarang medikasyon at kalaunan ay isinugod ito sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, Romblon.

Ang armas (kitchen knife) na ginamit ng suspek na may haba na 13 pulgada ay narekober ng kapulisan sa lugar ng insidente.

Nahuli naman ng mga tauhan ng San Andres MPS ang suspek sa ginawang hot-pursuit operation at isinailalim sa kanilang kustodiya.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng San Andres MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (TMM)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment