ODIONGAN, Romblon – Kita sa CCTV ang pagbangga ng humaharurot na motorsiklong may sidecar na kargado ng mga paninda sa isang SUV na kalalabas ng gasolinahan dakong 1:45 ng hapon ng Abril 2, 2024 sa National Road ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Ang may-ari at nagmamaneho ng sasakyan na Toyota Avanza ay si Churchill Sarmiento Javier, 48 anyos, may-asawa, PNP member at kasalukuyang nakadestino sa San Andres Municipal Police Station at residente ng Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon, habang ang may-ari at may dala ng motorsiklong Bajaj CT 150 na may side car ay si Mcdonald Fallarcuna Palpulme, 64 anyos, negosyante, kasama ang misis nito na si Susie Solabo Pampulme, 60 anyos, negosyante at kapwa residente ng Barangay Rizal, Odiongan, Romblon.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang Toyota Avanza na minamaneho ni Javier ay papunta sa direksyon ng Poctoy Port mula sa Fuel Saver Gasoline Station & Car Wash, habang ang tricycle ni Palpulme na kasamang sakay ang asawa nito ay mula sa Poblacion ng Odiongan, Romblon at binabaybay ang parehong direksyon ng national road patungo sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.
Pagsapit sa lugar ng insidente sa unahan ng gasoline station, dahil sa mabilis na pagpatakbo ng tricycle ni Palpulme ay aksidente nitong nasagi ang unahang bahagi ng sasakyan ni Javier.
Sa lakas ng pagkabangga ay tumagilid ang tricycle at tumilapon ang mag-asawa pati ang mga kargada ng tricycle.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang mga biktima na dinala sa Romblon Provincial Hospital ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO Odiongan.
Hindi naman nasaktan ang sakay ng SUV.
Parehong nagtamo ng hindi pa batid na halagang pinsala ang dalawang sasakyan. (TMM)






Add Comment