ALCANTARA, Romblon – Parehong isinugod sa ospital ang mga sangkot sa aksidenteng banggaan ng motorsiklo nitong hapon ng Linggo, Marso 31 sa National Road ng Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon.
Kinilala ang mga nadisgrasya na sina Alvin Solidum Rivera, 66 anyos, may-asawa at residente ng Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon at Alvin Legaspi Magracia, 39 taon gulang, may-asawa, negosyante at ang angkas nito na si Carlo Dela Vega Selosa, 39 taong gulang, may-asawa at parehong nakatira sa Barangay Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station, binabaybay umano ni Rivera ang Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon papunta sa direksyon ng Santa Maria, Romblon habang nasa kabilang linya naman si Magracia kasama ang angkas nito papunta sa Poblacion ng Alcantara, Romblon.
Pagsapit sa lugar ng insidente, nagsignal umano si Rivera na liliko ng pakaliwa ngunit nawalan umano ng kontrol si Magracia sa kanyang motorsiklo at nasalpok nito ang kasalubong na papaliko na sasakyan ni Rivera.
Kapwa nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang drayber at angkas na si Selosa na dinala sa Don Modesto Formilleza Memorial Hospital sa Brgy. Punta, Looc, Romblon.
Ang mga motorsiklo na sangkot sa aksidente ay isinailalim sa kustodiya ng Alcantara MPS para sa kaukulang disposisyon. (TMM)






Add Comment