SAN FERNANDO, Romblon – Nagulat na lang ang naglalabang babae sa irigasyon ng makita ang nakalutang na bangkay ng isang senior citizen dakong 8:00 ng umaga ng Pebrero 24, 2024 sa Sitio Botongcogon, Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Noe R. Rafol, 80 taong gulang, at residente ng Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.
Sa nakalap na impormasyon ng San Fernando Municipal Police Station, nakita umano ni Belen Ruba Recto ang walang buhay na katawan ng biktima na nakalutang sa irigasyon habang siya ay naglalaba ng kanyang mga damit.
Agad naman itong humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay kung saan ay kanilang kinuha ang palutang-lutang na bangkay ng biktima at dinala sa Rural Health Unit ng San Fernando.
Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, madalas umanong nakararanas ng pagkahilo ang matanda at minsan na itong natagpuan na walang malay tao malapit sa irigasyon na regular nitong pinupuntahan.
Hindi na nila isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima at kumbinsido ang mga kamag-anak nito na nalunod ang matanda sa irigasyon at walang naganap na foul play sa biktima. (Tony Minano Macalisang)







Add Comment