SAN FERNANDO, Romblon – Parehong nasawi ang drayber at angkas ng motorsiklo nitong hapon ng Pebrero 24, 2024 sa National Road ng Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon.
Ang mga nasawi ay nakilala na sina Sonny Rutor, 33 taong gulang, residente ng Barangay Canjalon, San Fernando, Romblon at Edwin Purisima, Romero, 32 anyos, mangingisda, at residente ng Sitio West, Barangay Espana, San Fernando, Rpmblon.
Sa imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station, sakay umano ng kulay itim na motorsiklong Rusi Passion 125 ang dalawang lalaki mula sa Barangay Canjalon, San Fernando papunta sa direksyon ng Barangay Espana, San Fernando, Romblon.
Pagdating sa lugar ng insidente, ay nawalan umano ng kontrol ang drayber sa motorsiklo at aksidenteng bumangga ito sa pader ng bahay ng pamilya Relox lung saan ay tumilapon ang dalawa sa kalsada at dahilan para magtamo ang mga ito ng malubhang sugat sa kanilang katawan.
Mabilis naman isinugod ang dalawa sa Rural Health Unit ng San Fernando para malapatan ng kaukulang lunas ngunit edineklarang dead on arrival ang biktimang si Rutor ng sumuring doktor.
Inilipat naman si Romero sa Sibuyan District Hospital ngunit hindi naman ito umabot ng buhay sa nasabing ospital.
Ang sangkot na motorsiklo sa naturang aksidente ay pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng San Fernando MPS. (AMM)







Add Comment