Home » Blog » Binata na naglalakad sa tabi ng kalsada nabundol ng SUV, nabale ang paa

Binata na naglalakad sa tabi ng kalsada nabundol ng SUV, nabale ang paa

ROMBLON, Romblon – Isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos na mahagip ng dumaan na sasakyang SUV dakong 5:15 ng hapon ng Enero 13, 2024 sa Barangay Poblacion – I, Romblon, Romblon.

Ang biktima ay kinilala ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) na si Joshua Mortel Escote, 20 taong gulang, binata, mangingisda at nakatira sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si Edrin Nicolas Peñaflor Solanoy, 62 anyos, may-asawa, driver at residente ng Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.

Ayon sa imbestigasyon ng Romblon MPS, naglalakad umano ang biktima sa tabi ng kalsada papunta sa Sentro ng Poblacion ng Romblon, Romblon, habang ang senior citizen na suspek na sakay na sasakyang SUV Hyundai ay binabaybay rin ang parehong direksyon. Pagsapit sa lugar ng insidente ay hindi umano napansin ng suspek na drayber ang naglalakad na biktima at aksidente nitong nahagip ang binata.

Dahil sa pangyayari, nabale umano ang kaliwang paa ng ng biktima na agad na dinala sa Romblon District Hospital para malapatan ng agarang lunas.

Dinala naman sa Romblon MPS ang sangkot na behikulo sa nasabing aksidente.

Samantala, nagkasundo ang biktima at ang suspek na hindi na magsasampa ng kaso ang biktima laban sa suspek basta bahala na ang huli sa lahat na mga gastusin ng biktima sa kanyang pagpapagamot at gagawing operasyon sa tinamong pinsala dulot ng naturang aksidente. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment