ALCANTARA, Romblon – Sa halip na pauwi ng kanilang bahay, ay parehong sa ospital ang diretso ng biktima at suspek sa naganap na aksidenteng pagkabangga ng motorsiklo sa sinasakyang biseklita ng biktima nitong hapon ng Enero 13, 2024 sa Barangay Tugdan, Alcantara, Romblon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Gilbert Galicia Gajela, 48 anyos, may-asawa, laborer at residente ng Barangay San Roque, Alcantara, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si Anmar Dela Cruz Magracia, nasa hustong gulang, may-asawa, walang trabaho, at nakatira sa Barangay Calagonsao, Alcantara, Romblon.
Sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, pauwi na umano at sakay ng kanyang biseklita ang biktimang si Gajela mula sa Sitio Nipa, Barangay Tugdan, Alcantara, Romblon at pagsapit sa National Road ng Barangay Tugdan, Alcantara, Romblon ay aksidente itong nabangga ng motorsiklong minamaneho ni Magracia mula sa kabilang direksyon.
Napag-alaman ng pulisya na sinubukan umanong mag-overtake ng suspek sa naunang motorsiklo ngunit nawalan umano ito ng kontrol sa kanyang sasakyan at aksidente nitong nahagip ang biseklita ng biktima na nagresulta sa kanilang pagtilapon sa kongkretong kalsada.
Dahil sa pangyayari, kapwa nagtamo ng sugat sa ulo at sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima at ang suspek na parehong isinugod sa Don Modesto Formilleza Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, Romblon para sa kaukulang atensyong medikal.
Samantala ang sangkot sa aksidente na mga behikulo ay dinala sa Alcantara MPS. (RSun Staff)







Add Comment