ODIONGAN, Romblon – Parehong isinugod sa ospital ang mga sangkot sa aksidenteng banggaan ng motorsiklo ng Sk Chairwoman at security guard na nangyari dakong 6:00 ng hapon ng Enero 12, 2024 sa National Road, Barangay Anahao, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang mga naaksidente na sina Lovely Mayuga Domingo, 19 taong gulang, estudyante, SK Chairwoman, residente ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon at may dala at may-ari ng motorsiklong Honda Click 125, habang ang may-ari at nagmamaneho ng kulay itim na motorsiklong Rusi 150 ay si Reynaldo Oriendo Dagatan, 20 anyos, binata, Security Guard at residente ng Barangay Hinag-oman, Ferrol, Romblon, kasama ang angkas nito na si Jay Pee Perez Antonio, 24 taong gulang, binata, security guard at nakatira sa Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, sakay ng kanilang motorsiklo ay pareho umanong binabaybay nina Domingo at Dagatan ang National Road ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon papunta sa direksyon ng bayan ng Ferrol, Romblon.
Pagsapit sa paahon na bahagi ng kalsada sa tapat ng bahay ng pamilya Falcunitin, malapit sa eskwelahan ng Anahao Elementary School ay nasignal umano sa pamamagitan ng ilaw ng motorsiklo, si SK Chairwoman Domingo na liliko pakaliwa, ngunit siya naman pag-overtake ng motorsiklo ni Dagatan at aksidente nitong nahagip ang kaliwang bahagi ng sasakyan ni Domingo na nagresulta sa pagtilapon ng mga sakay ng dalawang sasakyan sa kongretong kalsada.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang SK Chairwoman, habang nasugatan sa kanang paa ang security guard na si Dagatan. Ligtas naman at walang galos ang angkas nito na si Antonio.
Parehong isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang mga sugatan ng nagresponding ambulansiya ng MDRRMO ng Odiongan, Romblon.
Ang mga sangkot sa aksidente na sasakyan ay dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang kustodiya at imbestigasyon. (RSun Staff/Photo: Juvs Masangcay Fabon)







Add Comment