Ni WILSON FORTALEZA
Kasya ba ang ₱500 para sa isang simpleng noche buena?
Oo naman. Kasya nga ang ₱100, o kahit ₱99.
Baguhin lang ang pakiramdam at lahat ay kaya nang pagkasyahin. Pareho lang yan sa ukay-ukay. Kahit magkaiba ang presyo ng old display sa new arrival ay ukay pa rin ang pakiramdam.
Lahat ay maaring pagkasyahin. Katulad ng minimum wage. Kulang na kulang sa pangangailangan ng pamilya pero napagkakasya ng mga Pinoy. Pero masaya ba ang manggagawa sa minimum wage? Tiyak hindi. Oh, di ba nag-iiba ang tono kapag ang tinanong na ay pakiramdam?
Kung ganun ay mag-iiba rin ang tono kapag ang itatanong ng DTI sa mga Pinoy ay masaya ba kayo sa P500 na noche buena package?
Sa maikling salita, hindi angkop na tanungin ang mga tao kung kasya ba ang ₱500 na panghanda sa noche buena. Dahil ito ay kasya. Kasyang kasya.
Pero pwede ba? Ang mga tinatanong ay huwag din maging balat-sibuyas na sabihing hindi ito sapat. Dahil mas tamang maging tapat kaysa sinungaling.
Kahapon ay nakita ko ang presyo ng sibuyas na ₱340 na per kilo. Pwede na nga talagang pang exchange gift. Kaya minsan ay nagtatalo na kami ni misis. May tama na kasing paggamit ngayon ng sibuyas. Mas konting hiwa, mas tatagal ng ilang araw. At least may sibuyas sa lahat ng araw.
Ngunit mapapanatag ba ang loob mo kapag nalaman mo na ang lokal at imported na sibuyas at bawang ay pinaglalaruan lamang ang presyo sa merkado? Dahil katulad ng bigas, ang produktong ito ay kontrolado ng mga kartel. Ang global average price kada kilo ng sibuyas ay mahigit ₱100 lamang. Pero dito sa atin ay umaabot ito ng mahigit ₱300. Sa katunayan, sa 90 na mga bansa sa listahan ng isang website ay sa Pilipinas pinakamahal ang presyo ng sibuyas. Presidente pa mismo natin ang secretary of agriculture niyan ha.
Ngayon ay balikan natin ang isyu ng ‘pakiramdam’. Alam nyo ba na ang Philippine Statistics Authority (PSA) at ang Social Weather Station (SWS) ay magkaiba ng paraan sa pagsukat ng poverty o lebel ng kahirapan sa Pilipinas? Ang PSA ay hindi nagtatanong ng ‘pakiramdam’ tungkol sa kahirapan. Ang meron siya ay ‘basket of goods’ na inaalam lamang kung kaya pang bilhin ng mga Pilipino. Ang SWS naman ay may tinatawag na ‘self-rated poverty’ kung saan tinatanong ang mga Pilipino kung sa pakiramdam ba nila ay gumaganda, nanatili, o lalong naghirap ang kanilang buhay.
Kaya’t ang resulta ay magkaiba. Sa PSA, ang mahirap lamang sa Pilipinas ay mga pamilyang walang ₱12,030 na panggastos kada buwan (2021). Dahil dito, ang poverty incidence ng Pilipinas ay nasa 18% lamang. Samantalang sa SWS, ang self-rated poverty ay umaabot ng 43%, batay sa pakiramdam ng mga Pinoy.
So? Hindi isyu kung kasya ang ₱500. Suklian mo lang ang nagmamahalang presyo ng matamis na pagmamahal ay magbabago na ang iyong pakiramdam. Ngunit mas nakakagaan daw ng pakiramdam kung matapos mong magmahal ay marunong ka pa ring magalit.






Add Comment