SAN AGUSTIN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki na umano’y nakipagsuntukan sa kanyang kainuman sa Barangay Cawayan, San Agustin, Romblon dakong 10:00 ng gabi, Disyembre 24, 2023.
Ang biktima ay nakilala na si Lodovico Fajilan Riano, Jr., 55 taong gulang, walang asawa, laborer habang ang suspek ay kinilala na si Reneboy Fampula Fajiculay, 30 taong gulang, may kinakasama, manggagawa at kapwa residente ng Barangay Cawayan, San Agustin, Romblon.
Sa nakalap na ulat ng San Agustin Municipal Police Station, masaya umanong nag-inuman ang biktima at ang suspek noong 8:00 ng gabi ng nasabing araw sa bahay ni Gary Bastillador. Pagkalipas ng ilang oras, dakong 10:00 ng gabi ang biktima at ang suspek ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo kung saan ay hinamon ng suspek ang biktima na lumabas ng bahay.
Pumunta umano ang dalawa sa kalsada malapit sa bahay at saka nagsuntukan.
Pagkaraan ng ilang sandali, nakita umano ni Gary Bastillador ang biktima sa kalsada na duguan ang ulo at walang malay-tao.
Magkasamang isinugod nina Bastillador at Barangay Captain Salustiano Galigao ang biktima sa Tablas Island District Hospital ngunit idineklara itong Dead on Arrival ng naka duty na manggagamot.
Agad namang hinuli ang suspek ng mga tauhan ng San Agustin MPS.
Kasong Homicide ang inihahandang isampa ng San Agustin MPS sa Provincial Prosecutor Office laban sa nasabing suspek. (RSun Staff)







Add Comment