Walang Forever

Ni TONY MIÑANO MACALISANG

Nag trending sa social media ang paghiwalay ng magka loveteam hindi lamang sa showbiz kundi sa totoong buhay na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla o mas kilala sa tawag sa kanila ng kanilang mga fans na KathNiel, pagkalipas ng 11 na taon. Kinumpirma rin ito ni Kathryn sa kanyang Instagram noong Huwebes na hindi na nga sila magkasintahan ni Daniel.

Siempre gulat ang kanilang mga fans, ganun din yung mga nakakakilala sa kanila. Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa kanila? Sa 11 taon na lagi mo silang nakikita sa TV, sa facebook, at nababasa sa mga magasin. Magkasama sa mga lakaran. Ika nga naging household name na ang kanilang tambalan. Ultimo sa mga bata hanggang sa matanda ay bantog ang kanilang  pag-iibigan. At sa tamis ng kanilang pagtitinginan ay kulang na lang daw na sila ay langgamin. Kaya ang nangyari ngayon na paghiwalay ng landas ng KathNiel ay parang bulkang Pinatubo na dumagundong sa daigdig ng showbiz. May mga biruan pa nga na mga post sa FB na, “Walang Klase” dahil sa break-up ng dalawa. Nagluksa ang kanilang mga tagahanga.

Sa paglabas ng nasabing balita tila nakalimutan na ang ibang problema sa bansa tulad ng mga nagtataasang presyo ng bilihin. Natabunan na ang pinag-uusapang isyu tungkol sa Intel at Confidential funds at marami pang iba.

Pero may mga kababayan rin tayong sinakyan ang trending na balitang showbiz at gumawa ng ideya tulad ng paghahambing nila sa paghihiwalay ng KathNiel pagkatapos ng labing isang (11) taon sa confidential fund naman ni VP Sara Duterte. Kagaya ng, “Kung ang KathNiel ay nagwakas pagkatapos ng 11 na taon, ang P125 milyon naman umano ay nawaldas pagkatapos ng 11 na araw.”

Ilan lamang yan sa mga lumalabas na nakakatuwang reaksyon mula sa ating mga kababayan. Sabi naman ng iba, kung nagkahiwalay ang KathNiel, malamang daw ang kasunod naman umano ay ang pagkasira ng PBBM at Inday Sara Unity Team?

Marami sa ating mga kababayan ang nakahalata sa lumalamig na umano ang dating mainit na samahan ng kanilang mga kampo. Alam naman natin na magkaiba ng partido ang dalawa. At ang mga iyan ay puro mga pulitiko na may kanya kanyang ambisyon. Ang mga isip ng mga iyan ay advance ika nga. Pag upo pa lang nila sa kanilang puwesto ay nakatutok na yan sa kanilang magiging laban muli sa susunod na eleksyon. Nagpaplano na, kumikilos na sa mga gagawin para maging magaan at makuha ang kanilang minimithing ambisyon.

Malinaw na rin sa publiko ang nangunguna ngayon sa may balak na tumakbo sa pampanguluhan sa 2028, ay sina VP Sara Duterte at House Speaker Martin Romualdez ang pinsan ni Pangulong Marcos. Nakikita natin na ang dalawa ay naghahanda na. Kanya-kanya nang porma. Kung sa boksing ay nagwa warm-up na sila.

Di ba, kinontra na nga ng mga kapanalig ni Romualdez  ang intel fund ni Inday Sara kaya nga nagalit si dating Pangulong Digong at binira at binatikos ang Kongreso na ikinagalit naman ng mga mambabatas kung kaya’t maagang nagsitalunan ang mga kapartido ni Duterte mula sa PDP-Laban papunta sa partido ni Romualdez na Lakas-CMD.

Malayo pa ang 2028 pero ngayon pa lang ay maagang nagsihanda ang gustong pumalit na uupo sa Malakanyang. Ang mga pulitiko naman na lalaban sa darating na 2025 ay ganun din. Sumasama at sumasakay na sa partido na may maraming reserbang bala.

Talagang sa pulitika, walang FOREVER.

 

 

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment