Ni WILSON FORTALEZA
Sa mga pag-aaral ay palaging nababanggit na ang mga pamilya sa karamihan ng mga developing countries ay gumugol ng halos kalahati ng kanilang kita sa pagkain lamang. Ang kombinasyon ng mababang kita at mataas na presyo ng pagkain ang dahilan kung bakit kapos din sa sustansya ang nakukunsumong pagkain ng mga mahihirap.
Malalim ang problemang ito ng malnutrisyon at kadalasan, hindi ito napag-uukulan ng karampatang pansin.
Isipin din natin na ang Pilipinas ay hindi isang bansa na may kasiguruhan sa pagkain, ganun din sa trabaho at kita. Ibig sabihin, bago pa man ang high inflation regime na nararanasan natin ngayon, karamihan sa ating populasyon ay namumuhay na sa mababang sahod, payak at walang kaseguruhang trabaho, habang ang ekonomiya ay umaasang mas malaki sa imported na produktong agricultural tulad ng bigas, asukal, karne, at iba pa.
Naging mas masama ang ating sitwasyon sa mga taon ng pandemya dahil ang kawalan ng trabaho at bumabang kita ay kinakailangang harapin ang pagtaas ng presyo ng pagkain na apektado ng mas mababang produksyon at mga problema sa suplay. Tumaas din ang presyo ng krudo, na nagtulak sa pagtaas pa ng mga presyong produkto dahil sa mas mataas na gastos sa enerhiya at transportasyon.
Ngunit dahil ang karamihan sa produkto at serbisyong non-food ay hindi negotiable na gastusin ng pamilya, palaging ang badyet para sa pagkain ang nagiging biktima ng pagtitipid sa dami at kalidad dahil maaari itong baguhin katumbas ng pagtitiis. Sumunod ang pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at munting pagmamantini sa bahay.
Kaya, bakit mag-aalala tungkol sa pagkain kapag madaling mag-adjust ang pamilyang Pilipino? Noong 2021, inaasahan na ang average na food threshold ay nasa ₱8,000 kada buwan o 66% ng ₱12,000 poverty threshold. Ito ay ₱266 kada araw, ₱89 kada kain, at ₱18 kada tao para sa isang pamilya na may 5 miyembro.
Ang mga numerong ito ay tiyak na nagbago sa pagtaas ng inflation pagkatapos ng 2021. Gayundin, patuloy na bumababa ang kita habang hindi nakakahabol ang pag-angat ng sahod sa pagtaas ng presyo.
Tanging 1.4% ng mga Pilipino ang nabibilang sa high-income class, ayon sa 2022 Family Income and Expenditure Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA). Naiwan ang karamihan ng mga Pilipino (58.4%) sa low-income class na nakararanas ngayon ng hindi sapat na pagkain.
Hindi na kinakailangang tanungin pa ang mga mahihirap kung kaya nilang mabuhay sa isang P18 na diyeta kada kain dahil sa malinaw, kaya nila at palagi silang handa sa higit pang pagtitipid. Ito’y dahil ang tanging opsyon na natitira sa kanilang disposisyon ay ang ‘mamaluktot sa maikling kumot’.
Maaaring benign ang imahe kapag tinitingnan natin ang mahihirap na nakararanas ng gutom o kakapusan sa pagkain. Ngunit ang social cost ng kakulangan sa pagkain ay hindi lamang agad kundi malalim, kabilang na ang pangangailangan ng mga negosyo na mag-produce ng susunod na henerasyon ng malulusog na manggagawa.
Sa antas household o sambahayan, iniulat ng 2018-2019 Philippine Nutrition Facts and Figures ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na karamihan ng mga sambahayan sa Pilipinas ay hindi nakakamit ang 100% ng estimated average requirement (EAR) sa enerhiya at sapat na sustansya.
Sa enerhiya, ang bahagdan ng mga sambahayan na nakakamit ang 100% na rekomendasyon sa enerhiya ay 23.1% sa rural, at 20.0% sa urban. Tanging 5.8% at 12.4% ang nakakamit ang mga pangangailangan sa iron at calcium, ayon sa pagkakasunod, at 16% para sa vitamin C. Halos pareho na bahagdan ang nakakakamit ng EAR para sa vitamins C at A.
Sa antas ng indibidwal, ipinapakita ng ulat na tanging 18.4% ng mga sanggol at preschool-age na bata ang nakakamit ang araw-araw na Recommended Energy Intake (REI). Malaki at karamihan ay may kakulangan sa vitamin B3 sa mga bata na may edad 6 hanggang 11 buwan, at 1 hanggang 2 taong gulang, at sa vitamin B1 (57.1%), B2 (60.0%), A (68.2%), at iron (86.6%).
Ang kakulanagan sa bitamina C ay masama para sa mga batang nasa school-age, mahigit 90% sa grupong ito ang hindi nakakakamit ng araw-araw na pangangailangan. Ganito rin para sa vitamin B1 (94.9%), B2 (75.4%), A (76.7%), iron (97.1%), at calcium (93.3%). Ang problema ay nagpapatuloy habang lumalaki ang mga bata. Tanging 9.1% lamang ng mga nagbibinata, ayon sa ulat, ang nakakakamit ng araw-araw na REI.
Para sa mga babaeng buntis, tanging 15.1% lamang sa kanila ang nakakakamit ng araw-araw na REI. At isa lamang sa bawat lima (17.2%) na ang nakakakuha ng EAR para sa protina.
Walang duda na ang mga kabataang malnourished sa Pilipinas ay galing sa mga inang malnourished din. Ngunit ang koneksyon ay mas malalim kung paanong ang kahirapan at masamang patakaran ay lumilikha ng buhay na hindi kaaya-aya para sa karamihanng Pilipino. Ang malnutrisyon, ayon sa UNICEF, ay pumapatay ng 95 na bata sa Pilipinas kada araw, habang 27 sa bawat 1,000 ang hindi umaabot sa kanilang ikalimang kaarawan.
Mas mabuti ba ang kalagayan ng mga nakaka-survive na matatanda? Sa kasamaang palad, ang mga matatanda ang may pinakamataas na porsyento ng kakulangan sa sustansya at bitamina. Tanging 15.2% ng mga nakatatanda ang nakakamit ang araw-araw na REI.
Hindi masyadong masakit, kaya’t masasabi na ang umiiral na sistemang pang-ekonomiya at pampulitika sa bansa ay lalo pang pinaparusahan ang mga taong naghihirap sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng kanilang pangangailangan upang mapanatili ang buhay.
Kahit halos ₱100 lamang ang nawala sa arawang sahod dahil sa inflation sa nakalipas na ilang buwan, ang totoong mukha nito ay nasa pamilya ng mga manggagawa na hindi na kakain ng sapat sa isang araw, habang regular na inihahain ang masasarap na pagkain sa party at fashion show sa Malacañang.






Add Comment