Ni Ernesto Firmalo Ang, II
Ang rebulto ng Virgin Mary bilang isang Immaculate Conception ay matatagpuan sa bayan ng Romblon sa gitna ng daan malapit sa munisipyo. Kilala ito sa tawag na Fuente de Belén o Fountain of Bethlehem dahil ito ay isang fountain noon. Kilala rin ito sa tawag na Traída de Aguas o Water Supply sapagkat ito ay isang fountain na pampubliko na pinagkukunan ng tubig noon ng mga mamamayan ng bayan ng Romblon. Maaari ring tawagin ito noon na Abastecimiento de Aguas.
Ang Fuente de Belén ay itinayo noong 1864 ng Komandante Politiko-Militar ng Romblon na si Don Eduardo Asuero y Soto, isang Tinyente ng Impanterya o Hukbong-Lakad ng mga namamahalang Kastila noon.
Noong Disyembre 1894, napadaan ng Romblon si Joseph Earle Stevens, isang negosyanteng Amerikano. Papunta sya sa Mindanao sakay ng Steamship Uranus galing Maynila. Ang Steamship Uranus noon ay isa sa mga bago at malaking steamer na pang probinsiya at umiikot sa mga pangunahing daungan bago bumalik sa Maynila. Dumadaan ito sa Romblon, Cebu, Ormoc, Catbalogan, Tacloban, Cabalian, Surigao, Mambajao (Camiguin), Cagayan, Iligan, Maribojoc (Bohol), daan uli ng Cebu bago dumaan sa Iloilo, at daan uli ng Romblon bago bumalik ng Maynila. Umaabot ng 18 na oras ang biyahe simula sa Maynila sa bukana ng ilog ng Pasig papunta ng bayan ng Romblon, ang unang hinto ng byaheng ito. Umaabot naman ng 15 na araw bago makabalik sa Maynila pagkatapos umikot sa mga probinsiya para magdala ng mga pasahero, sulat at mga kargamento.
Sa maikling oras na pagdaan sa Romblon, nailarawan ni Joseph Earle Stevens ang isang pampublikong liguan.
“There was a public bath down beside a brook, where everybody came to wash, an old church, the market-place, and a prodigious long flight of steps leading up to the upper districts, where the view down back over the low nipa houses toward the bay was most extensive.” Ito ang paglalarawan ni Joseph Earle Stevens sa kanyang aklat na Yesterdays In The Philippines (London, 1898).
Samantala, nailarawan din sa aklat ni Don Agustin de la Cavada et al (Historia Geográfica… Tomo I, Manila, 1876) ang Fuente de Belén na isang estatwang bato ng Purísima Concepcion sa isang pedestal na may 4 na harapan, na sinusuportahan ng 4 na ulo ng turco, at 5.5 talampakan ang taas. Ang dami ng tubig na itinatapon nito ay maaaring makapuno ng isang 48 na litro na sisidlan sa loob lamang ng 2 minuto.
Kung may makita po tayong lumang litrato ng Fuente de Belén ay makakatulong po sa pag kumpirma ng sinasabing ulo ng turco. Makipag-ugnayan po sa akin sa pamamagitan ng aking email na eang33@gmail.com.






Add Comment