Ang Lumang Parola ng Odiongan

Ni ERNESTO FIRMALO ANG II

Itinayo noong Hulyo 9, 1928, ang lumang parola ng Odiongan ay matatagpuan sa Brgy. Tabing-Dagat. Wala na itong ilaw at hindi na ginagamit. Natatabunan na rin ito ng mga puno. Ngayon ay isa na itong monumento na nagpapaalala sa atin ng kasaysayan ng Odiongan. Ano ba ang papel ng parolang ito noong unang panahon?

Ayon sa United States Coast Pilot (1940), isang lathala ng U.S. Department of Commerce at Coast and Geodetic Survey noon para sa mga mandaragat o marinero bilang isang gabay sa paglalayag sa dagat, ang parola ng Odiongan (Odiongan Light) ay isang puting sementadong parola na may taas na 9.7 metro. Ang ilaw nito ay pula at fixed itong umiilaw (hindi patay sindi ang ilaw). Nakikita ang pulang ilaw nito sa dagat sa may layong 7 milya (arc of 98° from 96° true to 194° true). Ang parola ng Odiongan ay may coordinates na latitude 12° 24’ 17” N at longitude na 121° 58’ 47” E.

Sa mga bersyon ng United States Coast Pilot noong 1919 at 1927, hindi pa nakasulat ang parola ng Odiongan dahil ginawa lang ito noong 1928. Sa bersyon ng 1940, ang mga impormasyon dito ay nakalap noong 1937 hanggang 1939, dito ay nakasulat ang mga detalye ng parola ng Odiongan. Ang mga dumarating na barko sa bayan ng Odiongan ay dito sa baybayin ng Odiongan dumaraong mga kalahating milya ang layo sa parola ng Odiongan sa may hilagang kanluran na may lalim na 9.1 metro (maputik sa ilalim ng dagat). Dito binababa at kinakarga ang mga kargamento ng mga barko. Maaaring gumagamit pa ng mga bangka para ihatid ang kargamento sa pagitan ng barko at baybayin ng Odiongan.

Sa panahong ito ng 1937, ang daungan ng Poctoy sa punta ng Batiano ay isa pang batong pilapil (stone mole) na sinisimulan palang na inaayos at pinapahaba. Noong Mayo 1937, ang lalim sa dulo ng pilapil ay 4.6 metro. Ang mga barko ay hindi pa pwedeng dumaong dito dahil sa kawalan ng palapag (landing).

Mapapansin na noong Pebrero 9, 1903, sa ulat ng Gobernador ng Romblon na si Francisco Sanz, pinahiwatig niya na ang Odiongan at Magallanes (Magdiwang) ay nararapat na magkaroon ng daungan o open port dahil sa parating pagbisita dito ng mga barko na may primera klaseng lisensya na kumukuha ng mga produktong copra, abaka at tabako (Report of the Philippine Commission, 1903).

Naiulat din noong 1876, ang baybayin ng Odiongan, kahit walang daungan o parola, ay may kakayahang magkarga ng hanggang 1,000 cavan ng palay (Historia Geografica, Cavada/ Vigo, 1876).

Ang daungan ng Poctoy (Odiongan) ay naging nasyonal na daungan at binuksan ito upang tumanggap ng coastwise trade sa bisa ng Executive Order No. 191 Series 1965 noong Nobyembre 12, 1965 na pinirmahan ni Pangulong Diosdado P. Macapagal. Ang Executive Order na ito ay isang pagsusog (pag-amyenda) sa lumang Executive Order No. 72 Series 1936 na pinirmahan ni Pangulong Manuel L. Quezon noong Disyembre 3, 1936 na naglalaman ng talaan ng mga daungan sa Pilipinas na may kategoryang nasyonal at internasyonal. Sa talaang ito ay mayroong 12 na internasyonal na daungan at 49 na nasyonal na daungan sa buong Pilipinas. Ang daungan ng bayan ng Romblon ay nakalista na dito na nasyonal na daungan at ang Poctoy (Odiongan) ay hindi pa. Matatandaan natin na sa panahong ito, ang daungan ng Poctoy ay isa pa lamang na batong pilapil (stone mole) at hindi pa kayang magpadaong ng barko.

Ang lumang parola ng Odiongan ay isang alaala ng nakaraan at isang pananda at naging instrumento sa pag-unlad ng bayan bilang isang nasyonal na daungan.

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment