Ang Bahura ng Looc, Romblon

Ni Ernesto Firmalo Ang II

Sa seryeng ito ay pag-usapan natin ang bahura ng Looc o ang Looc Reef na matatagpuan sa Looc Bay, Looc, Romblon. Ito ay ang lugar kung saan naroon ang Looc Fish Sanctuary. Marami sa atin ay nakapasyal na dito at nakipaghalubilo na sa mga isda sa bahura. Makikita din dito ang isang parola na nakatayo sa hilagang banda ng bahura at kung saan din nakatali ang isang malaking balsa na kung saan ay dito pumupunta ang mga turista.

Naging laman ako ng Map Room ng British Library sa London sa aking mga pananaliksik sa kasaysayan ng Romblon. Ang mga mapa noon ay isang magandang basehan at katunayan ng mga nangyari sa nakaraan. May dalawang magkaparehong mapa sa British Library na malinaw ang detalye ng Looc Bay. Ito ay ang Ports in the Philippine Islands at dito makikita ang mga daungan ng mga bayan ng Romblon, Looc, Paluan Bay (Mindoro) at isa pang Looc Bay sa isla ng Lubang. Ang unang mapa ay nalimbag sa London ng Admiralty (ang ahensiya ng gobyerno ng United Kingdom na namamahala ng Royal Navy noon) noong Enero 24, 1866 at ang pangalawa ay nalimbag noong Pebrero 1903 dahil sa mga pagwawasto o corrections. Ang mga mapang ito ay nakabase sa mapa na gawa ng mga Filipino at Espanyol dito sa Pilipinas.

Sa unang mapa ng 1866, nakasulat dito ang Port Loog (Looc), 1853, Surveyed by the Spanish Philippine Hydrographic Commission, scale 1:37,000. Dito masaya akong nakita ang bahura ng Looc at dito rin makikita mo na may nakasulat na beacon sa gitna ng bahura. Tulad ng parola, ang beacon ay isang pantanda sa dagat upang maging gabay ng mga mandaragat o maging babala dahil sa bahura at mababaw ang tubig. Masasabi natin na noong 1853 ay meron na ditong nakalagay na beacon. Hindi pa natin alam kung ano ang itsura ng beacon na ito. Makikita rin na noong 1853 ay may mga bahay na makikita sa mapa sa bayan ng Loog (Looc) at sa lugar kung saan ngayon ay Buenavista na ang tawag (isang serye na naman ang kailangan para pag-usapan natin ang Buenavista o Carolina noon).

Sa pangalawang mapa ng 1903, nakasulat dito ang Port Lug (Looc), 1853. Pareho sa 1866 pero nagbago ang pangalan ng Loog at naging Lug at nawala ang beacon sa bahura. Bakit kaya naging Lug ang Looc noon? Isa kaya itong pagkakamali?

Samantala, sa Archivo del Museo Naval de Madrid, ang naturang mapa ay matatagpuan sa pormang sulat-kamay at may titulong Plano del Puerto de Loog… 1853. Masaya uli akong nakita ang bahura ng Looc at dito uli makikita ang beacon o baliza sa wikang Espanyol. Sa mga lumang mapang Espanyol, ang beacon ay nakasulat na balisa, valisa o valixa con su lux (kung ito ay may sariling ilaw).

Isang bersyon na nailimbag sa Madrid noong 1864 ay matatagpuan sa Archivo Cartográfico de Estudios Geográficos del Centro Geográfico del Ejército. Dito, ang mapa ay may titulong Plano del Puerto de Loog, Costa O. De La Isla De Tablas, levantado en 1853 por la Comision Hidrográfica de Filipinas. Ang bahura ng Looc at ang beacon o baliza ay nakasulat dito.

Sa aklat ni Rev. José Algué, S.J. (The Cyclones of the Far East, Manila, 1904, p257), sinabi nya na ang Looc Bay ay nag-iisang kanlungan ng kaligtasan sa mga mandaragat sa kanlurang baybayin ng Tablas tuwing habagat. Nailarawan nya ang bahura o ang shoal rock at sinabi nya na meron ditong beacon sa gitna ng bahura ayon sa kanyang tsart. Si Rev. Algué ang Direktor ng Philippine Weather Bureau, Manila Observatory noong simula ng rehimeng Amerikano.

Sa susunod na mapadaan tayo sa Looc at masilayan natin ang parola sa Looc Fish Sanctuary, pwede natin sabihin sa sarili natin na noong 1853, meron na dyan na beacon o baliza na naging gabay sa mga mandaragat.

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment