ODIONGAN, Romblon – Dalawang motorsiklo at isang sari-sari store ang napinsala matapos salpukin ng isang mini dump truck na umiwas sa tumatawid na mga pato sa Provincial Road ng Sitio Mainit, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon dakong 10:00 ng umaga ng Oktubre 10, 2023.
Kinilala ang mga nagmamay-ari ng nasirang mga ari-arian ay sina Sheryl Faa Fajilagutan, 41 taong gulang, may-asawa at may-ari ng Sheane’s Sari-Sari Store at residente ng Sito Mainit, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon; habang pag-aari naman ni Ryan Role Famorcan, 28, binata, mangingisda, residente ng Sitio Hot Sping, Brgy. Pato-o, Odiongan ang motorsiklong Rusi Korak at ni Ramon Magramo Mingo, Sr., ang isa pang nadamay na motorsiklong Rusi 125 na minamaneho ni Ramon Juanzo Mingo, Jr., 26 taong gulang, fish vendor, at nakatira sa Poblacion, San Andres, Romblon.
Samantala nakilala ang driver ng Foton Mini Dump Truck na pag-aari ng Sunwest Construction & Development Corporation na si Clarence Soranio Javillo, 47, may-asawa at residente ng Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), binabaybay umano ng mini dump truck na minamaneho ni Javillo ang Provincial Road ng Sitio Mainit, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon papunta sa motorpool ng Sunwest Construction Corporation sa nasabing barangay at pagdating na naturang lugar ay bigla nitong nakita at sinubukang iwasan ang tumatawid na kawan ng mga pato sa kalsada, ngunit dahil sa mabilis na pagpatakbo ay hindi nito nakontrol ang manibela ng sasakyan at aksidenteng nasalpok ang dalawang motorsiklo na nakaparada sa tabi ng kalsada hanggang sa tuluyang bumangga sa tindahan.
Ligtas naman umano ng drayber ng mini dump truck na na dinala sa himpilan ng Odiongan MPS kasama ang dalawang motorsiklo na sangkot sa aksidente. (RSun News Staff)







Add Comment