ODIONGAN, Romblon – Pansamantalang ipagbabawal ang pagpasok sa bayan ng Odiongan ng buhay na baboy at kasama ang mga produkto na gawa sa nasabing hayop na prinoseso o hindi base sa inilabas na Executive Order No. 10-001 ni Mayor Trina Firmalo Fabic ng bayan ng Odiongan, Romblon epektibo Oktubre 11, 2023.
Ang nasabing kautusan ay para maprotektahan ang lokal na industriya ng babuyan sa bayan ng Odiongan sa banta ng African Swine Fever (ASF). Napag-alaman na kumpirmado na ang unang kaso ng ASF sa bayan ng Alcantara, Romblon sa isla ng Tablas.
Matatandaan na tinamaan ng ASF noong nakaraang buwan ang bayan ng San Fernando sa isla ng Sibuyan at kumalat ito sa karatig na bayan ng naturang isla.
Ang paglagay ng mga checkpoint ay mahigpit na ipapatupad sa mga hangganan o pasukan papunta ng bayan ng Odiongan, Romblon para mabantayan at mamonitor ang ilegal na pagpasok ng mga baboy at kauri nitong produkto.
Kasama sa mga magmamatyag sa iba’t-ibang entry point ng bayan ng Odiongan ay ang mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, mga Opisyal ng Barangay, at Municipal Agriculture Office ng Odiongan, Romblon.
(Tony Miñano Macalisang)







Add Comment