5 Top Destination na bayan sa Probinsya ng Romblon inilabas ng Department of Tourism

Inilabas ng Department of Tourism – MIMAROPA (DOT-MIMAROPA) tourLISTA website ang resulta ng Top Destination Municipalities sa buong lalawigan ng Romblon para sa buwan ng Agosto.

Nangunguna ang bayan ng Romblon sa mga pinupuntahan na munisipyo sa buong probinsya kung saan ang nakalagay ang Capitol ng lalawigan. Marami ring resort ang matatagpuan dito maliban sa marbol na pangunahing industriya ng kabesira.

Sumunod ang bayan ng Odiongan na siyang pinakamaunlad sa buong probinsya. Ang Odiongan ang pinakasentro ng kalakalan hindi lamang sa isla ng  Tablas kundi sa buong lalawigan. Dito rin matatagpuan ang mga opisina ng mga ahensya ng gobyerno national.

Pangtatlo ang bayan ng San Fernando sa isla ng Sibuyan. Makikita sa bayan ng San Fernando ang bantog na Cantingas river na minsan nang tinaguriang pinakamalinis na ilog  sa buong Pilipinas, at ang sikat na mala paraisong isla ng Cresta de Gallo. Sa isla rin ng Sibuyan matatagpuan ang pinakamataas na bundok sa lalawigan ng Romblon na Mt. Guiting-Guiting.

Pang-apat ang bayan ng Santa Fe na makikita sa dulong bahagi ng isla ng Tablas. Maraming beach resort dito na binabalik-balikan ng mga bisita at turista, lokal man o banyaga.

Nasa panglima naman ang bayan ng San Jose o kilala bilang Carabao island na malapit sa isla ng Boracay. Maraming mga turista mula sa Boracay ang  bumisita sa San Jose upang makita at maranasan ang kanilang ipinagmamalaki at sikat na cliff diving sa nasabing isla.

Samantala, tinanghal naman na limang (5) top tourist attraction day tour para sa buwan ng Agosto ay ang Odiongan Sato Hotel and Resort Corporation 9Odiongan, Romblon), Cantingas River Resort (San Fernando, Romblon), Bonbon Beach (Romblon, Romblon), Dreamshore Kiwi Beach Resort (Santa Fe, Romblon) at Casa del San Fernando (San Fernando, Romblon).

(Tony Miñano Macalisang)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment