Lalaki patay matapos suntukin at ihulog sa pier ng Cajidiocan, Romblon

CAJIDIOCAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay ng dalhin sa ospital ang isang lalaki na sinuntok at inihulog sa pantalan ng nakaalitang kababayan dakong 5:30 ng hapon, Octubre 17, 2023 sa Barangay Poblacion, Cajidiocan, Romblon.

Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Joan Rollo Bea, 40 taong gulang, binata, walang asawa at residente ng Sitio Seawiew, Barangay Poblacion, Cajidiocan, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si Ruben Raet Concepcion, Jr., 32 taong gulang, may kinakasama, laborer at nakatira sa Barangay Sugod, Cajicioan, Romblon.

Sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS), nanonood umano ang supek ng mga nangingisda sa pantalan ng bayan ng Cajidiocan ng dumating ang biktima na nasa ilalim ng espiritu ng alak at walang kaabog-abog na bigla nitong sinakal ang suspek. Tinulak umano ng suspek ang biktima palayo at sinuntok ito ng ilang beses hanggang sa ito ay natumba at nawalan ng malay. Pagkatapos ay itinulak ng suspek ang biktima sa dagat at umalis.

Noong mahulog ang biktima sa tubig ay hindi umano ito gumalaw kung kaya’t inisip ng mga tambay na nakakita na baka ito ay nalunod. Agad naman silang tumalon sa dagat ay iniahon ang biktima.  Binigyan nila ng first aid ang biktima pero wala pa rin itong malay, kaya’y kanila itong isinugod sa Sibuyan District Hospital (SDH), ngunit ideneklara itong “dead on arrival” (DOA) ng sumuring doktor na si Dra. Pearl Rhealmae Hernandez, M.D.

Samantala, boluntaryo namang sumuko ang suspek sa Cajidiocan MPS.

Napag-alaman ng pulisya na mayroong dating alitan sa pagitan ng biktima at suspek.

Kasong Murder ang inihahandang isampa ng Cajidiocan MPS sa piskalya laban sa suspek. (AMM)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment